Paghihiwalay ng mag-amo
NAGKAHIWALAY na ng landas sina Cavite PD Sr. Supt. Jonnel Estomo at ang bagman niyang si Caloy Colanding. Hindi pa naarok ng mga kosa ko sa Cavite kung ano ang tunay na dahilan sa paghihiwalay ng mag-amo. Subalit natsugi si Caloy matapos ang malawakang raid sa Dasmariñas kung saan nabuwag ng mga bataan ni Estomo ang malaking sindikato ng droga roon. Sinabi ng mga players sa Cavite na ang pumalit kay Estomo ay si SPO2 Bernard Camposanto, na bata naman ni Supt. Cardiño, ang S2 o intelligence chief ng Cavite PNP. Nagsimulang mag-ikot si Camposanto sa mga players noon pang nakaraang Miyerkules, anang mga kosa ko. Boom Panes! Malalaman natin sa susunod na mga araw kung ano ang dahilan at napalitan ni Camposanto si Caloy. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ’yan!
Subalit kung si Caloy ay hindi napasara ang mga pergalan nina Tessie Rosales sa palengke ng Silang, ang kay Jessica sa Salitran at stoplight sa Dasmariñas at ang kay Sonny Atienza sa palengke ng Naic, ay ganun din si Camposanto. Tuloy pa rin naman ang mga pergalan nina Aleng Tessie, Jessica at Sonny kaya ang ibig sabihin niyan mga kosa hindi si Camposanto ang kasagutan para masawata ang pasugalan sa Cavite. Sa totoo lang, imbes na tumiklop ang mga pergalan nina Aleng Tessie, Jessica at Sonny, aba dumami pa lalo ang color games at drop ball sa kaharian ni Estomo dahil nagbukasan pa ang ilang financiers. Ang mga bagong nagbukas na pergalan ay ang kay Nenita sa Langkaan, Dasmariñas; kay Lito sa San Jose, GMA; Malou sa Mary Chris Subdivision sa Gen. Trias at maging sa Pasong Buwaya sa Imus at ang kay Aleng Tessie uli sa Puregold sa Imus din.
Kung itong mga bagong bukas na pergalan ang gagawing basehan, ibig sabihin nito nagpataas lang ng lingguhang payola o take home pay si Estomo? Boom Panes! Hehehe! Si Caloy ang nagsaing at si Camposanto ang kumain. Tumpak!
Kung sabagay, sinabi ng mga kosa ko na si Camposanto ay dati na ring tong kolektor sa Cavite. Mukhang nakatisod ng ginto ang tropa nina Cardiño sa raid sa Dasmariñas at napabilib nila si Estomo para matsugi nga si Caloy. Kaya sa ngayon, hindi na ang pangalan ni Caloy ang bukambibig ng mga players sa Cavite kundi ang kay Camposanto na. Kung nasulot ni Camposanto si Caloy, hindi nalalayo na mangyari rin ito sa kanya, di ba mga kosa? Boom Panes! Hehehe! Mukhang kung saan mataas ang grasya, dun din si Estomo ah, di ba mga kosa?
Maaring masaya sa ngayon sina Aleng Tessie, Jessica at Sonny dahil sa hindi kayang galawin ni Estomo ang mga puwesto nila. Subalit hindi habang panahon ang kasayahan nila dahil papalapit nang papalapit ang retirement ni Calabarzon police director Chief Supt. Jesus Gatchalian. Kahit sino kina Chief Supt. Richard Albano at Chief Supt. Napoleon Taas ang papalit kay Gatchalian, sinisiguro ko na may kalalagyan sila. Tiyak ’yun! Abangan!
- Latest