Magarbong kulungan, sumingaw
Umiinit ang panawagan sa top-to-bottom revamp sa National Bilibid Prison (NBP) matapos na malantad ang magarbong mga kulungan ng mga high profile inmates.
Aba’y mistulang naka-check in pala sa dekalibreng hotel ang mga bigating bilanggo na ito. Na kahit na nakapiit ay napakaginhawa ng buhay ng mga ito sa loob.
Kumpleto at mga high tech sa gamit, aircon, meron pang may opisina, carpeted at talagang kumportableng-komportable ang mga ‘bossing’ na ito. Malamang may nagsisilbi pa sa mga ito na kapwa nila preso.
May Jacuzzi ang isa sa mga ito, ang isa may second floor pa, may sound system at iba pang mararangyang gamit.
Nakapagtataka ang milyong cash na nasamsam sa iba’t ibang bilanggo, mga mamahaling alahas na nakaimbak sa loob.
Nakakadudang saan naman nila ito gagamitin?
Sa itsura ng mga gamit, eh mukhang matagal na itong nailagay, ang tanong nga eh, paano naman ito naipasok sa loob kung walang pahintulot sa mga nakakataas.
Ang tanong nga ng marami, kung ililipat ang may 19 high profile criminals, ano na raw ang mangyayari sa mga mala-hotel nilang kulungan?
Baka naman iba lang ang papalit sa mga lugar ng mga ito, at patuloy pa rin ang magarbo bilang kulungan.
Kaya ang nais ng ilang mambabatas, simulan sa taas ang isinagawang balasahan at hindi ang mga nasa ibaba lang ang magagalaw.
Sana nga ay hindi ningas-kugon lang ito at may mangyari nga sanang malaking pagbabago.
- Latest