Teknolohiya ng jet pack
ISA sa mga teknolohiya na umuusbong bagaman hindi pa gaanong maunlad nitong nagdaang mga dekada ang tinatawag na jet pack. Ito iyong gadget na merong rocket na ikinakabit sa likod para makalipad ang isang tao. Maraming klase ng jet pack na ito. Tinatawag ding rocket belt at rocket pack. Kadalasang sa mauunlad na bansa nakakabili at kokonti lang ang nakakagamit dahil na rin marahil may kamahalan ang presyo, sa mga paghihigpit pa ng mga kinauukulang awtoridad at sa mga limitasyon sa paggamit nito. Merong jet pack na pinapasadya o inieksperimento na lang ng sinumang merong kaalaman dito para sa pansarili nilang gamit. Ayon sa Wikipedia, unang lumitaw ang konsepto ng jet pack sa mga science fiction noong 1920s. Naging popular siya noong dekada ‘60.
Sa kasalukuyan, karaniwang nagagamit pa lang ang jet pack na ito sa turismo. Sa paglilibang. Sa mga pelikula. Sa tinatawag na Extra Vehicular Activity ng mga astronaut na kailangang lumabas sa kanilang spacecraft o space station habang nasa kalawakan sila. Sinusubukan na nga rin siya sa mga operasyon ng militar sa ibang bansa. Wala pa siya sa antas na magagamit siya bilang regular na uri ng transportasyon. Wala pang gumagawa at nagbebenta nito nang maramihan.
Wala pa akong nababalitaan na meron nang nag-eksperimento at gumamit ng jet pack dito sa Pilipinas pero hindi rin malayong mangyari tulad ng sa drone at segway na nakarating na rito sa ating bansa.
Malaking bagay din ang jet pack kung higit pang mapapaunlad ang teknolohiyang ito. Puwede siyang magamit sa mga panahon ng emergency tulad ng pagliligtas ng mga tao sa panahon ng kalamidad, sa pagtungo sa mga lugar na mahirap marating ng mga ordinaryong sasakyan, sa paglutas ng mga krimen halimbawa, o kung papahintulutan, magawa na siyang isang klase ng transportasyon para makaiwas sa masikip na trapik sa mga kalsada sa lupa. Makakarating ka sa iyong destinasyon nang walang sagabal.
Isa nga lang sa mga problema kung sakaling ganap na mapaunlad at magamit na siyang regular na transportasyon ang maaasahang napakataas na presyo niya na hindi kakayanin ng bulsa ng ordinaryong mamamayan. Tulad ng personal transport vehicle na tinatawag na Segway na nagagamit na lang sa larangan ng turismo o dekorasyon sa malalaking shopping mall. Nariyan din ang inaasahang mga aksidente o peligrong lilitaw sa paggamit ng jet pack dahil sa mga limitadong kapasidad nito pero maaari ring magawan ng paraan sa pagdaan ng panahon. At panahon na lang marahil ang makakapagsabi kung magagamit siyang regular na alternatibong uri ng sasakyan.
- Latest