Mga konkretong tubo, ginawang hotel sa China
ISANG negosyante sa China ang nakaisip ng kakaibang gamit sa mga konkretong tubo (culvert pipe) na karaniwang ginagamit lamang sa mga kanal at imburnal.
Ang negosyante, na nagmula sa probinsya ng Henan, ay isang hotelier sa China. Ito ang dahilan kung bakit naisipan niyang bumili ng isang napakahabang konkretong tubo na hindi na ginagamit at hatiin ito sa 15 bahagi. Ang bawat isa sa mga bahaging ito ang ginamit ng negosyante sa paggawa ng mga silid na puwedeng tulugan ng mga nangangailangan ng panandaliang matutuluyan.
Kumpleto ang mga silid na gawa sa konkretong tubo. Kayang magkasya sa loob nito ang dalawang tao at mayroon itong kama, sariling banyo, at pati na rin airconditioning. Pininturahan din ang panlabas na bahagi ng mga ito bilang dekorasyon at upang maging kaaya-aya sila sa paningin ng publiko.
Tamang-tama naman desisyon ng negosyante sa pagpapagawa ng kakaibang hotel na ito mula sa mga konkretong tubo dahil sa kabila ng pagiging simple ng bawat silid ay nagiging patok ito lalo na para sa mga turistang dumadagsa sa Henan na naghahanap ng mga murang matutuluyan.
- Latest