Destiny
KUNG minsan, iniisip ko kung tama ang ginawa ni Dr. Icarus sa kanyang anak na dalaga, si Marie. Bukod sa pagiging doktor, dealer ng softdrinks at beer si Dr. Icarus. May isa siyang kargador, si Leo, na nahalata niyang may gusto sa kanyang anak. Kinausap ito ni Doc nang masinsinan: “Kung may gusto ka sa anak ko, ligawan mo, wala akong tutol.”
May pagka-oportunista si Leo. Sino ba ang tatanggi na makabilang sa mayamang pamilya ng Icarus. Niligawan ni Leo si Marie. Nagkataong kaisa-isang manliligaw, kaya ginusto na rin ni Marie si Leo kahit kargador lang. Ikinasal ang dalawa. Ang kargador ay naging supervisor ng mga kargador.
Biyudo si Doc. Tatlong babae ang anak. Bunso si Marie. Siya lang ang hindi nakatapos ng kolehiyo dahil may epilepsy. Dahil sa komplikasyon, napilay si Marie at pautal-utal magsalita pero normal ang pag-iisip. Ito ang dahilan kaya si Doc na mismo ang nagtulak kay Leo na pakasalan ang anak. Ayaw nitong tumandang dalaga ang anak. Gusto niya ay magkaroon ito ng sariling pamilya para pagdating ng araw na pumanaw siya, may mag-aalaga sa kanyang sakiting anak. Ngunit nagkamali si Doc. Palibhasa ay hindi naman totoong mahal ni Leo si Marie, nalulong ito sa pambababae. Dalawa na ang anak ni Marie nang magpasya si Doc na palayasin ang oportunistang manugang sa bahay na iniregalo nito sa mag-asawa.
Lumala ang epilepsy ni Marie dahil sa emotional pain na pinagdaanan. Lagi itong hinihimatay at lumala ang speech problem. Lalong hindi maintindihan ang kanyang pagsasalita. Palibhasa ay pautal-utal magsalita kahit noon pa, hindi naging maganda ang komunikasyon at relasyon ni Marie sa dalawang anak. Naging matigas ang ulo ng mga ito. Ang bunso ay naglayas at wala na silang balita tungkol dito. Ang panganay ay nanatiling kasama ni Marie sa bahay pero walang pakialam ito sa kanyang ina.
Parang pinipiga ang puso ni Doc tuwing nakikita niyang mag-isang umiiyak si Marie sa isang sulok. Kung nanatiling single si Marie, wala sanang heartache itong iniinda. Wala sanang mga anak na dumadagdag sa bigat ng problema. Mas malalim manakit ang pag-ibig kaysa ano pa man “illness” na dinaranas ng isang tao. Naisip ni Doc, pati kasi ang “destiny” ng kanyang anak ay pinakialaman niya, hayan tuloy, nadiskaril. Nakalimutan niyang manggagamot lang siya ng sakit, hindi ng “destiny” ng kanyang anak.
- Latest