^

Punto Mo

‘Ubos na ang pisi’

- Tony Calvento - Pang-masa

ONE time big time… ganito tumira ng mga taong gustong makaisa. Minsanan lang pero malaki na. Hindi sila pipili ng mga pipitsugin lang kundi malalaking isda na kapag kumagat sulit ang pain. “Mga kilalang hotel ang sinusuplayan niya ng produkto kaya ako naengganyo. Inisip ko na hindi malulugi yun. Yung iba niyang negosyo natuklasan na hindi naman pala kanya,” simula ni Gay.

Taong 2011 nang makilala ni Gay Pangilinan, 54 na taong gulang si Catalina Regua. Nagsusupply din daw ito ng mga libreng shampoo, sabon at toothpaste sa mga hotel sa Boracay. “Nagsimula siyang dumalaw sa bahay. Nagdadala ng pagkain at ng kung anu-anong bagay,” kwento ni Gay. Kalaunan naging palagay na ang kanyang loob kay Catalina dahil sa kabutihang ipinapakita nito. Noong Agosto 19, 2012 nanghiram ito sa kanya ng Php50,000. Gagamitin umano nito para sa pagsusupply ng tissue. “Wala kaming kontrata pero nagbigay siya ng mga Post Dated Cheques (PDC). Kung kailan niya kinuha ang pera yun din ang nakalagay na petsa sa tseke,” ayon kay Gay.  Dagdag pa niya apat hanggang anim na porsiyento kada buwan ang makukuha niya bilang interes. “Bilin niya huwag ko daw munang idedeposito,” salaysay ni Gay. Nang sumunod na buwan tatlong libong piso ang ibinayad ni Catalina bilang tubo. Ilang araw ang nakalipas humiram ulit ito ng Php50,000.00. “Sunud-sunod na ang hiram niya hanggang sa umabot ng Php270,000.00. Minsan tinatanong ko siya kung pwede ba ako sumama para makita ko kung paano ang negosyo. Pumayag siya pero hindi naman natutuloy,” sabi ni Gay. Pagdating ng Enero 2014 tumigil na ito sa pagbabayad ng tubo. Maliban daw sa perang hiniram nito kung saan nagbigay siya ng tseke may mga hiram pa umano itong iba. “Pati sa sister in law ko nakahiram siya ng Php105,000 kasama na interest, ako ang nangailangan magbayad,” ayon kay Gay. Maging ang pangalawang branch ng pag-aaring botika ni Gay ay napasarhan niya nang siyang magkasakit nung 2013. “Kapag nabenta na raw ang apartment niya saka siya magbabayad. Naibenta na ngayon pero hindi ko pa nabawi ang pera ko,” salaysay ni Gay. Nang ideposito ni Gay ang tatlong tseke ay ‘Account Closed’ ito. Si Elizabeth Tabios, 40 taong gulang, nakilala si Catalina dahil pareho sila ng taga-masahe. Tulad ng ginawang pag-aalok kay Gay ay ganung taktika rin ang sinabi sa kanya. Ika-3 ng Hulyo 2014 nang manghiram ng apatnapung libong piso. Gagamitin niya raw ito sa pagsusupply ng harina at honey sa isang hapon. Pareho ang probinsiya nila ni Catalina kaya naman nagtiwala siyang hindi siya lolokohin nito. “Nanghiram ulit siya ng Php40,000 hanggang sa naging sunud-sunod na. Ang iba cash kong ibinibigay, ang ilan idinedeposito ko sa account niya,” salaysay ni Elizabeth. Nagbabayad daw si Catalina ngunit makalipas ang ilang araw hihiramin lang nito ulit ang pera. Hindi nito natutupad ang pangako ng petsang pagbabayad. Nag-issue ito ng cheke ngunit nang ipasok niya ito sa bangko noong Setyembre 16, 2014 ay Account Closed na raw ito. “Nung umuwi ang asawa niya nung Agosto nagpunta kami sa kanila. Nagulat yung mister niya dahil ang pagkakaalam daw niya nabayaran na lahat,” kwento ni Elizabeth. Ang kaibigan naman ni Elizabeth na si Edna Galang ay ipinakilala niya kay Catalina. Napagpapautang ng pera si Edna na may interes. “Iisang eskwelahan din kasi ang anak namin. Una nangutang siya ng sampung libo. Sa loob ng isang buwan ay ibabalik daw niya ang pera,” wika ni Edna. Nung maliit pa raw ang hinihiram ni Catalina ay naiibalik niya ito nagtiwala rin siya dahil pumipirmang guarantor si Elizabeth sa pangungutang nito. Malapit din ito sa kanyang tagasingil. Oktubre 10, 2013 nang manghiram ulit ito ng Php45,000. Pangako ni Catalina sa kanya isang buwan lang ay magbabayad siya. “Php4,500 lang ang nabayaran niya. Hindi niya naibalik ang kapital. Disyembre 22, 2013 mag-loan siya ng Php254,000,” pahayag ni Edna. Ang kotse nitong  Lancer 2009 model ang ginawang collateral nito. Nagbigay din daw ito ng Post Dated Cheque (PDC) na nagka­kahalaga ng Php279,400. Nang mabenta ang apartment ni Catalina pinapunta daw sila sa isang bangko noong ika-28 ng Mayo 2014 para mabayaran ngunit hindi naman ito nagpakita. Sinubukan nilang tawagan at i-text ito subalit hindi ito sumasagot. Nadesisyunan na ni Edna na ipasok sa bangko ang tseke ngunit Drawn Against Insufficient Funds (DAIF) ito. Nagpadala silang tatlo ng demand letter noong Setyembre 2, 2014 at binigyan nila hanggang Oktubre 5, 2014 si Catalina para maibalik ang pera ngunit hindi ito sumagot. Kay Gay kasama ang binayaran niya sa kanyang hipag ay umaabot ng Php804, 435.70. Kay Elizabeth naman Php727,000 habang kay Edna ay Php482,820. Ang kabuuang bayarin ni Catalina ay Php2,014,255.70. Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito nina Gay, Elizabeth at Edna.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, karamihan sa mga taong katulad ninyo kaya naman kayo naengganyo na maglagay ng ganyang kalaking halaga ay dahil pumasok sa inyong isipan ang laki ng kikitain niyo. Hindi niyo na nakuhang mag-isip ng mabuti na may mali sa ganitong uri ng pagnenegosyo. Hindi na sana kailangang mangutang nitong si Catalina sa ibang tao at tanging gagawin niya ay palalaguin niya ang kanyang puhunan na mayroon siya, kabig pa niya ang lahat ng kita.

Hindi lahat ng kumikinang ay ginto kapag ito’y kinuskos mo ang lalabas pala’y tanso. Ito ang sinuong niyong problema kaya nalagay kayo sa ganyang sitwasyon. Ang perang pinaghirapan ay nararapat lamang pag-ingatan. ‘Moderate your greed’ o ang ibig sabihin niyan huwag tayong masyadong maging matakaw at kumagat ng higit na mas malaki sa ating mangunguya at malululon. Kung hindi mo susundin ‘to mabibilaukan ka. Sa kabilang banda, ikaw naman Catalina hindi sa lahat ng oras makakalusot ka sa iyong panggagantso. Darating ang panahon na mauubos na rin ang pisi ng iyong swerte at ika’y mauuwi na naggagantsilyo sa bilangguan. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

CATALINA

EDNA

GAY

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with