Manong Wen (122)
NAGKUNWARING bumibili si Princess sa MARC CHESTER store. Dumako siya sa bahagi ng beverages at kunwari ay kukuha ng softdrinks pero malikot ang mga mata niya. Nakatuon ang tingin niya sa saradong room na malapit sa airconconditioning unit. Nakasulat sa pinto na mahigpit na pinagbabawal ang pagpasok sa room na iyon. Mga awtorisadong personnel lamang ang nararapat pumasok. Naghintay pa ng ilang sandali si Princess at baka may magbukas ng room. Baka may lumabas doon. Pero walang pumasok o kaya ay lumabas sa room. Mukhang matagal nang hindi nabubuksan ang room.
Ipinasya ni Princess na umorder ng sandwich. Puwede namang kainin iyon habang nasa loob ng store. Bitbit ang kinuhang softdrink, lumapit siya sa counter at umorder ng sandwich sa babaing kahera. Kinuha ng kahera ang sandwich at saka ipinainit sa microwave. Lumapit ang kahera kay Princess. Kinuwenta ang mga binili niya. Binayaran niya. Makaraan iyon ay kinuha na ang sandwich sa microwave at iniabot kay Princess.
Tinungo niya ang mesa na nasa kaliwang bahagi ng pinto ng store. Doon niya kakainin ang sandwich. Mula sa mesang kinaroroonan ay tanaw na tanaw ang saradong room.
Habang kumakain, hindi niya inaalis ang tingin sa saradong room. Mahirap nang malampasan. Sayang ang pagtitiyaga niya sa paghihintay. Kailangang magkaroon ng bunga ang paghihirap niya na makita ang walanghiyang si Chester.
Dinahan-dahan ni Princess ang pagkain ng sandwich. Ninamnam ang lamig ng softdrink. Habang dahan-dahang ngumunguya ay nakatingin siya sa saradong room. Kailan kaya bubuksan?
Hindi niya maimadyin kung ano ang nasa loob ng room. Paano naging lagusan iyon. Parang tunnel kaya ang itsura na kasyahan lamang ang isang tao para makapasok? Posible iyon. Daanan lamang kapag tatakas. Madilim sigurado sa loob para hindi makita nang sinumang hahabol. Gaano kaya kalalim ang lagusan. Sana naman ay walang daga sa loob sakaling mapasok niya. Takot siya sa daga!
Natapos siyang kumain. Kinuyumos niya ang balot ng sandwich at inihulog sa garbage box nasa ilalim ng mesa.
Nang muli niyang tingnan ang room, ay nagtaka siya. Naka-slant na ang pintuan. May pumasok o lumabas?
Dali-dali pero maingat siyang lumapit sa pinto. Gustong makasiguro. Tama siya. Bukas nga ang pinto! Hindi lang niya alam kung may lumabas o pumasok.
Pasimple siyang lumi-ngon sa paligid. Walang nakakahalata sa kanya. Lahat ay busy. Marami nang bumibili.
Maingat siyang lumapit sa pinto. Muling tumingin sa paligid. Walang nakakakita. Mabilis siyang pumasok. Mabilis ding isinara iyon. Hanggang may makapa siya sa seradura. Susi. Nakabaon pa ang susi sa seradura. Naisip niya, kung ang susi ay nasa loob, tiyak na mayroong lumabas. Mabilis niyang hinugot ang susi at isinilid sa bulsa.
Saka pinagmasdan ang loob ng kuwarto. Hindi pala iyon kuwarto. Iyon ang lagusan. May hagdan pababa. Isang tao lamang ang kasya. (Itutuloy)
- Latest