^

Punto Mo

‘Titibok-tibok’

- Tony Calvento - Pang-masa

DINADAGA… naninikip, parang pinipiga ang sakit at tila may tumutusok sa loob. Kakaibang sakit sa kanyang puso na ang tangi niyang nagagawa’y humawak sa dibdib, yumuko, pumikit at hintayin itong mawala.

“Nung una kong naramdaman yun sakit na yun, hindi ko kinaya nawalan na lang ako ng malay at bumagsak sa lupa,” kwento ni ‘Eric’.

Sa edad na 35, dalawang ugat sa puso ni Frederic Privado o Eric ang barado na. Tubong Marinduque si Eric, panganay siya sa limang magkakapatid. Nakapagtapos siya ng 2-year voca­tional course na Associate Marine Tranportation sa Boac, Marinduque.

Mula ng makapagtapos, nagtrabaho na si Eric. Sa mga ‘warehouse’ lagi ang kanyang napapasukan.

 “Lahat ginawa ko. Minsan kargador, nag-iimbentaryo rin,” ani Eric.

 Mula taong 1999, ganitong uri ng gawain na ang ginagawa niya sa loob ng warehouse. Buwan ng Mayo 2008, katatapos lang ng ika-27 kaarawan ni Eric habang nag-iimbentaryo siya sa pinasukang warehouse sa Tanauan, Batangas isang matinding sakit sa dibdib ang kanyang naramdaman.

 Nagpaalam siya sa kanyang bisor. Umupo si Eric sa tabi, uminom ng tubig at nagpahinga sa loob ng dalawang oras at saka bumalik sa trabaho.

 “Nag-iimbentaryo na ako ulit ng bigla na lang nanikip ng sobra ang aking dibdib. Parang pinipiga ang puso ko,” ani Eric.

 Bigla na lang natumba si Eric. Naramdaman niyang sinalo siya ng isang kasamahan. “Nawalan na ako ng malay, pagising ko nasa ospital na ako,” dagdag pa ni Eric.

 Unang beses itong maranasan ni Eric. Buong akala niya, nasobrahan lang siya sa pagtatrabaho subalit lumabas sa isinagawang pagsusuri sa kanya ng mga doktor na merong bara ang ugat ng kanyang puso.

Nagpatingin sa ibang doktor si Eric para masigurado kung ta­lagang sakit sa puso ang problema niya. Ayon sa kanya, pa­rehong heart disease ang ‘diag­nosis’ ng mga doktor.

Kinailangang tumigil sa trabaho ni Eric. Pinagbawalan siyang magbuhat ng  mabibigat at magpagod. Maliban dito pinaiwas din siya sa mga pagkaing   maalat, matataba at sobrang tamis.

Pinayuhan siya ng doktor na sumailalim na sa ‘open heart surgery’.  Kapos  sa pera sina Eric kaya’t sinubukan nilang humingi ng tulong sa ilang ‘foundation’  na nagbibigay ng libreng operasyon subalit wala din daw nangyari.

Nagdesisyon si Eric na umuw­i na lang ng Marinduque at dun magpalakas.

Aminado si Eric na dati siyang­ may bisyo. Naniniga­rilyo siya at umiinom. Lahi din daw nila ang may mga sakit sa puso kaya’t hindi siya nagtaka ng dapuan siya ng ganitong uri ng sakit.

“Tinanggap ko na lang ang kundisyon ko…” ani Eric.

Taong 2011 naisip ni Eric na ayusin ang kanyang bene­pisyo sa Social Security System (SSS). Nag-apply siya para sa ‘disability’.

Sa SSS, Main Branch siya nagpunta. Nakitang siyam na taon mahigit ang hulog ni Eric kaya’t nakatanggap siya ng halagang P3,330 kada buwan sa SSS para sa kanyang disability sa loob ng 23 buwan. Mula buwan ng Nobyembre 2011 hanggang Hulyo 2013.

Malaking tulong din ito pandagdag sa pambili ng mga gamot ni Eric at pangluwas niya sa kanyang kapatid sa Maynila kung saan siya nagpapa-check up.

Sinubukang mamuhay ng normal ni Eric. Taong 2013, nakilala niya si Florife Privado, taga Marinduque rin at kapit­bahay ng kapatid niya sa Sampaloc, Manila. Nagkaroon sila ng relasyon ni Eric at agad silang kinasal pitong buwan makalipas dahil nabuntis na itong si Florife.

“Tinanggap niya ako kahit ganito ang sitwasyon ko,” ani Eric.

Buwan ng Agosto 2013, sinubukang mag-apply muli ni Eric ng disability pension subalit hindi na umano ito tinanggap ng SSS. Gustong mapagpatuloy ni Eric kahit man lang ang kanyang mga oral medicines dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan.

“Sa ngayon po hindi ako makainom ng gamot ko dahil wala talaga, nag-iingat na lang po ako sa pagkain,” ani Eric.

Itinampok namin si Eric sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).

Kinapanayam namin sa radyo si Ms. Mae Rose Francisco ng Media Affairs Department ng SSS, Main-Quezon City.

Tinanong namin si Ms. Francisco kung maari pa bang mag-extend ang inapply na disability ni Eric. Nilinaw niyang pwede subalit kailangang mapatunayan niyang lumala ang kanyang kon­disyon.

Pinapunta niya si Eric sa kanilang opisina at pinayuhan na magdala ng mga medical records na maaring magsabing mas na­ging malubha ang kanyang sakit.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinakita sa amin ni Eric ang kanyang Clinical Abstract mula sa Philippine General Hospital kung saan sinasabing mula daw sa isang baradong ugat sa kanyang puso, dalawa na ito ngayon. Ayon kay Eric pinayuhan na siya ng doktor na sumailalim sa operasyon sa lalong madaling panahon subalit wala talaga siyang sapat na halaga para magpaopera. Sinabi naming kay Eric na dalhin sa SSS ang kanyang pinakabagong medical abstract para maipasuri sa doktor dun para maituloy ang kanyang disability pension.

Una ng sinabi sa amin ng SSS na naging problema ni Eric ang iba’t-ibang diagnosis ng doktor sa kanyang kundisyon kaya’t marapat na magbigay si Eric ng pinakabagong resulta ng pagsusuri sa kanyang karamdaman.

Sa aming pagtatapos, sinu­suri ng SSS kung sino ang karapat-dapat na makatanggap ng kanilang benepisyo. Hindi lang basta pinamimigay ang pera ng taong nagkokontribusyon sa kanila. Kung ikaw ay baldado at hindi makapagtrabaho tutulungan ka nila. Kapag gumanda naman ang iyong pakiramdam at gumaling ka ng kaunti, pwede ka ng magtrabaho hindi ka na kwalipikado na bigyan ng bene­pisyo. Ang desisyon kung ipagpapatuloy ang iyong benepisyo ay nakasalalay sa anong ilalagay ng iyong doktor sa iyong medical abstract.

Importanteng maisumite mo kaagad ito. Ang iniiwasan na SSS ay magkaroon ka ng ‘double compensation’ o yung may disability ka at kumikita ka dahil nakakapagtrabaho ka. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)  SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5thh floor City State­ Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Land­lines 6387285 / 7104038.

ERIC

KANYANG

LANG

MARINDUQUE

SHY

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with