Parke sa Austria, lumulubog sa tubig taun-taon
KAKAIBA ang isang parke sa Austria dahil may mga panahon na kailangan na ang gamit sa scuba diving upang mapasyalan ito.
Taun-taon ay nalulubog ang parke sa tubig tuwing tag-sibol. Ito ay dahil nasa paanan ng bulubundukin ng Hochswab ang parke kaya binabaha ito ng tubig mula sa mga natunaw na niyebe na galing sa itaas ng bundok. Ang parke rin ay katabi ng isang lawa na kapag umaapaw ay nilalamon ang buong parke na tuluyan nang nalulubog sa ilalim ng tubig.
Malalim ang tubig na bumabalot sa parke taun-taon. Kadalasan ay 10 metro ang nagiging lalim ng tubig sa parke kaya puwedeng-puwede itong sisirin. Dahil galing mula sa mga natunaw na niyebe ay napakalinaw ng tubig na dumadaloy mula sa bundok kaya naman kitang-kita ng divers ang mga upuan at mga puno sa parke na nalubog sa tubig.
Tumatagal ng tatlo hanggang apat na linggo ang pagkakalubog ng parke sa tubig kada taon kaya sinasamantala na ng mga mahihilig mag-scuba diving ang pambihirang pagkakataon na ito upang makaranas silang sumisid sa isang underwater park.
- Latest