Bahag ang buntot
DISMAYADO ang pamilya ni Manuel Corral Vl dito kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Kasi nga kung mabilis kumilos si Duterte sa kaso ni PO1 Ritchie Paul Lozano na binugbog ng apat na kalalakihan kamakailan, e ni hindi nito pinansin ang kaso ni Corral. Ang katwiran ng mga kamag-anak ni Corral ay patay si Manuel kaya dapat unahing pagtuunan ng pansin ni Duterte ang kaso nila imbes na ang kay Lozano na buhay na buhay naman. Sa kaso kasi ni Lozano, nagsalita si Duterte na puwedeng gamitin ng pulis ang kanyang baril kapag overpowered physically sila samantalang ni isang kataga wala siyang binanggit sa kaso ni Corral na ang mga pulis ang suspect. Kapag kaalyado pala ni Duterte matapang ang mga salitang binibitawan niya at kapag botante lang niya ay bahag ang buntot niya? Hehehe! Dapat burahin na ni Duterte ang plano n’yang tumakbo sa pagka-presidente sa darating na 2016 elections dahil babangungutin siya ng kaso ni Corral, di ba mga kosa? Tiyak ‘yun!
Kung dismayado ang mga kamag-anak ni Corral kay Duterte, tuwang-tuwa naman sila dito kay Justice Sec. Leila de Lima na nag-utos sa NBI na magsagawa ng parallel investigation sa kaso. At hindi lang ang kaso ni Corral ang tinututukan sa ngayon ng NBI kundi pati na rin ang execution ng umano’y drug suspect na si Rolando Locaberte. Tumapang ang asawa ni Locaberte na lumutang matapos ang dalawang pulis ng Toril na sangkot sa pagpaslang ng asawa niya ay kasama sa walong pulis na na-relieve sa kaso naman ni Corral. Si Locaberte ay pinatay sa Silka St. sa Sayogon sa Toril noong Abril 10 at ayon sa NBI hindi na-autopsy ang bangkay niya. Boom Panes! Subalit iginigiit ng Toril police na legitimate operation ang pagkamatay ni Locaberte. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa?
Nagtayo naman ang PRO 11 ng PNP ng Task Force Corral na pinamumunuan ni Sr. Supt. Arron Aquino para imbestigahan ang kaso ni Corral. Nilinaw ni Aquino na ang restriction ng suspect na si PO1 Jeffer Villegas sa Camp Merecido Buñangin ay inalis na nang mag-umpisa silang mag-imbestiga dahil walang makalap na hard evidence ang CIDG para ituro siya sa kaso ni Corral. Si Villegas ay naka-assign sa RPSB at nakaharap na ng kasong administratibo at criminal. Nangako naman si Aquino na ibabalik nila si Villegas sa Camp Merecido Buñangin para hindi ma-influence ni Villegas ang imbestigasyon ng Task Force at ng NBI sa kaso nina Corral at Locaberte. Hehehe! Nasa tamang landas naman ang PRO11 sa kaso ni Corral ah, di ba mga kosa! Tumpak!
Dapat lang sigurong pumasok na rin ang Commission on Human Rights (CHR) sa kaso nina Corral at Locaberte ah, di ba mga kosa? Abangan!
- Latest