Mantikilya, nahukay sa Ireland 5,000 taon na ang tanda
GULAT na gulat ang dalawang lalaki sa Ireland nang mahukay nila sa putik ang isang tipak ng mantikilya na sinasabing 5,000 taon na ang tanda.
Ang tipak ng mantikilya, na tinatayang 45 kilo ay natagpuan ng mag-tiyuhing sina Joe at Brian Clancy habang naghahanap ng peat o namuong putik mula sa mga latian na ginagamit ng mga taga-Ireland bilang pangsiga.
Akala nila Joe at Brian ay piraso lamang ng troso ang kanilang nahukay sa putikan kaya nagulat sila na lalagyan pala ang kahoy na nahukay. Sa loob ng kahoy ay natagpuan nila ang malaking tipak ng mantikilya. Nakipag-ugnayan naman kaagad ang dalawa sa National Museum of Ireland ukol sa kanilang natuklasan.
Bukod sa tanda nito, nakakamangha rin ang mantikilyang nadiskubre dahil hindi pa ito nabubulok. Amoy mantikilya pa rin daw ito ayon kina Joe at Brian. Malaking bagay ito dahil kung tutuusin ay napakabilis masira ng mga mantikilyang ibinebenta ngayon na ilang buwan lamang ang itinatagal kahit pa nasa refrigerator.
Ayon sa mga eksperto, karaniwan talagang matatagpuan ang mga sinaunang mantikilya na nakabaon sa mga putikan dahil ito raw ang paraan ng mga tao noon upang mapanatili na sariwa ang kanilang mga pagkain. Ngunit kakaiba pa rin ang natuklasan ng mag-tiyuhing Joe at Brian dahil minsan lang makadiskubre ng ganoon karaming mantikilya sa isang lalagyan.
- Latest