Aksidente sa mga lansangan, sunud-sunod
Nitong mga nakalipas na araw, binulaga tayo ng sunud-sunod na aksidente sa mga lansangan kung saan marami na naman ang naitalang namatay.
Nakakalungkot isipin na kung kailan papalapit na ang holiday season o pagtatapos ng taon ay dito nangyayari ang ganitong mga trahedya sa kalye.
Kamakalawa lamang ng madaling-araw tatlong babaeng nurse ang nasawi sa aksidenteng naganap sa C-5 fly over sa Brgy. Ugong sa Pasig City.
Sinalpok ang sinasakyan ng mga biktima ng isang SUV. Sinasabing sa naturang SUV nakita ang bote ng alak at ang driver nito ay sinasabing amoy alak ng maganap ang aksidente. Sugatan ang driver ng SUV.
O, hindi ba’t pasaway talaga, na nagdamay pa ng iba.
Sa Taguig, 16 na poste ng kuryente ang itinumba naman ng isang rumaragasang dump truck.
Masuwerteng walang nasawi o nasugatan, gayunman grabeng perwisyo sa trapik ang idinulot nito, maging ang mga residente malapit sa lugar ng aksidente ay ilang oras ding nag-brownout.
Base sa tala ng Highway Patrol Group, pangunahin pa ring dahilan ng mga aksidente sa lansangan ay ‘human error’, kabilang na dyan ang mga matitigas ang ulo at mga pasaway na driver.
Nandyan ang kulang sa kaalaman sa pagmamaneho, nagte-text o gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho, nagmamaneho ng lasing o nakainom at marami pang iba.
Kung human error ang pangunahing dahilan ng mga aksidente sa daan, magtataka ka dahil palaging idinadahilan ng isang driver na sangkot sa aksidente eh, nawalan siya ng preno.
Laging ang sasakyan ang pinagbubuntunan.
Wala yatang driver na nasangkot sa aksidente sa daan ang umamin na siya ang may kasalanan, kundi palaging may sisihin o idadahilan.
Nakikitang dahilan naman kung bakit marami pa ring mga driver ang pasaway sa lansangan, ay ang malambot na parusa sa ganitong mga paglabag.
Dapat yata ay, makalikha ng batas na may mas mabigat pang kaparusahan sa mga ganitong uri ng driver na pasaway sa lansangan.
- Latest