Solusyon sa trapik
HINDI humihinto ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pag-iisip ng mga paraan upang malutas ang problema ng trapik. Bukod sa umiiral ng number coding ay nais ipatupad ni MMDA chairman Francis Tolentino na baguhin ang operating hours ng mga malalaking shopping mall lalo’t papalapit na ang holiday season.
Batay sa panukala ng MMDA, maaaring ang isang hilera ng mga mall ay magsisimula ang pagbubukas ng 7 a.m. hanggang 7 p.m. at ang ilan naman at medyo tanghali na at hanggang hatinggabi na.
Kadalasan kasi na nagiging rason ng mas matinding problema sa trapik ay ang lugar na nasa paligid ng mga shopping mall at iyon ay subok na kapag mayroong sale.
Nakatakdang kausapin ni Tolentino ang mall operators para sa pagbabago ng oras sa pagbubukas ng mall.
Pero maaring hindi magkakabisa ang ganitong sistema sa operating hours ng mga mall kung hindi naman makikiisa ang ibang sektor.
Dapat isara na ng mga shopping mall ang entrance/exit ng mga motorista sa mall sa EDSA para tiyak na mas magiging maayos ang trapik.
Gayahin ang US na walang entrance/exit ang malaking mall sa pangunahing kalsada kaya walang trapik.
Ang isa sa nagpapasikip sa daloy ng trapiko ay ang kawalan ng disiplina ng mga pampasaherong sasakyan at mga pribadong motorista.
Silipin din ng MMDA ang pag-aalis ng mga bus terminal sa EDSA dahil magdadagdag ito sa trapik.
Kailangang ayusin ang lahat ng bagay upang malutas ang problema ng trapik sa Metro Manila.
- Latest