‘Iligal naging Marangal’
PUSPUSAN ang kampanya ni President Benigno Aquino III laban sa pagpuputol ng troso o illegal logging. Subalit sa liblib na kagubatan kung saan hindi naaabot ng ating kinauukulan, ang mga buwitreng iligal na nagtotroso ay hindi pa rin tumitigil sa kanilang mga gawain. Marami rami na rin ang nakumpiskang mga troso at ngayon ay nakaimbak sa isang lugar kung saan ito ay binabantayan para hindi manakaw o makuha ng mga negosyante na magaling paikutan ang ating batas. Dito naisip ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na kesa mabulok ang mga trosong ito. Mabuti na ito’y gamitin para maging kapaki pakinabang.
Dito pumasok ang proyekto ng PAGCOR na nakatulong sa Libo-libong estudyante mula sa tatlong daang pampublikong paaralan sa CARAGA at sa National Capital Region (NCR). Nakatanggap ang mga ito ng 53, 776 na silyon (armchair) mula sa “Pinoy Bayanihan” project. Ang mga silyon na ito ay nagawa sa pagtutulungan ng PAGCOR, Department of Education (DepEd), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Sa 53, 776 na nabuo mula nung nagsimula ang proyekto noong taong 2011, 45, 876 na silyon ang ibinahagi sa tatlong daang pampublikong eskwelahan sa CARAGA region. Samantala, labin limang pampublikong paaralan naman sa Metro Manila ang nakatanggap ng 7,900. Ang “Pinoy Bayanihan” project ay nakatanggap ng inisyal na pondo na isang daang milyong piso mula sa PAGCOR. Malinaw ang layon ng programa na magamit sa mabuti ang mga iligal na troso na nakumpiska ng DENR. Sa halip na maulanan, mainitan at mabulok lamang ay ginamit na lang ito upang makabuo ng mga silyon para sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Cristino Naguiat, Jr ang PAGCOR ay kumuha ng bahagi sa “Pinoy Bayanihan” project upang makatulong sa gobyerno na mabawasan ang kakulangan ng mga silyon sa mga paaralan. “Libo-libong mga bata ang nagtiis na umupo sa mga sirang upuan at sa sahig dahil sa kakulangan ng disenteng upuan sa ilang pampublikong paaralan. Sa pamamagitan ng mga silyon na mula sa ‘Pinoy Bayanihan’ project, ngayon ay kumportable na silang makakaupo habang nagkaklase,” kwento niya.
Dahil ito ay isang pagtutulungan, ang PAGCOR ang magbibigay ng pondo o budget na kailangan upang makabili ng mga kagamitan para sa pagbubuo pati na rin sa bayad sa mga taong gagawa nito. Ang DENR naman ay nakatoka sa mga gagamiting kahoy. Ang TESDA naman ang magbibigay ng mga taong may kakayahang bumuo ng mga ito habang ang DepEd naman ang tutukoy kung anong eskwelahan ang may matinding pangangailangan ng mga bagong silyon.
Ang mga lugar kung saan ginagawa ang mga silyon na ito ay matatagpuan sa main office ng TESDA sa Taguig City at sa Agusan del Sur School of Arts and Trades (ASSAT) sa Prosperidad, Agusan Del Sur. Ayon sa TESDA-CARAGA Regional Director Florencio Sunico Jr., ang “Pinoy Bayanihan” ay isang matagumpay na proyekto. “Mula sa nakumpiskang mga troso, nakagawa tayo ng isang bagay na makabuluhan sa edukasyon ng ating mga mag-aaral. Sino ba ang makapagsasabi, isa sa mga ito ay maaaring maging pangulo ng bansa sa darating na panahon,” wika niya. Ibinahagi rin ni Sunico na ang mga gumagawa nito ay nakikinabang rin sa “Pinoy Bayanihan” project.
“Ang mga manggagawa sa ASSAT at ang aming opisina at nakakatanggap ng P220 na allowance kada araw mula sa pondo ng PAGCOR. Dual purpose iyan. Nakinabang na ang mga estudyante sa ginawang upuan, nakapagbigay pa tayo ng trainings at allowance sa mga manggagawa. Karamihan sa kanilang mga magulang ay magsasaka kaya sila na ang sumusuporta sa sarili nila at bahagi ng kanilang allowance ay binibigay din nila sa kanilang pamilya,” ani niya. Samantala, ayon kay DENR-CARAGA Regional Director Nonito Tamayo. “Ang epektibo na paraan para maprotektahan ang kagubatan ay pigilan ang iligal na pagputol ng mga puno. Pero dahil naputol na yan, tama lang na gamitin ito sa mabuti. Hindi na makikita ng mga bata ang mga punong ito na nakatayo sa gubat pero magagamit nila ito sa kanilang pag-aaral.” Binigyang diin ni Tamayo na ang “Pinoy Bayanihan” project ay malaki ang naitutulong sa mga taga CARAGA upang kumita ng pera. “Karamihan ng mga residente dito lalo na ang mga katutubo ay dumedepende sa pagtotroso. Lahat sila ay naapektuhan ng Executive Order 23 na nag-baban sa iligal na pagtotroso sa buong bansa. Ang Pinoy Bayanihan ay nagbibigay sa kanila ng trabaho,” wika niya.
(KINALAP NI IGIE MALIXI)
Ugaliing makinig ng CALVENTO FILES sa radyo, ang “Hustisya Para Sa Lahat”. Lunes-Biyernes 2:30PM-4:00PM at Sabado 11:00AM-12:00NN. Sa DWIZ 882 KHZ AM BAND.
Makinig rin kayo ng programang “PARI KO” tuwing Linggo sa DWIZ 882 KHZ. Mula 9:30-10:30PM kasama sina Fr. Jojo Buenafe, Fr. Jason Laguerta at Fr. Lucky Acuna.
Sa mga taong may problemang medikal, walang kakayahang magpagamot maari din kayong lumapit sa tanggapan ng “PUSONG PINOY”, sa parehong address: 5th Floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd. Pasig City, Lunes hanggang Biyernes 9:00 ng umaga. Huwag niyo kalimutang magdala ng photocopy ng inyong ‘Updated Medical Abstract’. Mapapakinggan ang programang “PUSONG PINOY” tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga. Sa DWIZ 882KHZ, AM BAND.
- Latest