Budol- Budol
KUNG ang akyat-bahay mula sa Maynila ay dumadayo na sa probinsiya, ganoon din ang Budol-Budol Gang. Si Josie, isang family friend sa probinsiya, nasa 60 plus, ang minsa’y tinigilan ng isang kotse habang naglalakad sa kalsada. Itinanong ng mga nakasakay sa kotse kung saan makakabili ng construction materials. Palibhasa ay ang nagsasalita ay nasa loob ng kotse at siya ay nasa kalsada, hindi niya masyadong marinig ang itinatanong sa kanya. Namalayan na lang ni Josie na siya ay nasa loob ng kotse. May ipinakita sa kanyang isang bag na puno ng pera na pambili raw ng construction materials. Kung puwede raw ihabilin muna sa kanyang bahay ang pera. Ngunit para makaseguro, kukunin nila ang kuwintas, singsing, pulseras at cellphone ni Josie. Walang kagatol-gatol na pumayag si Josie. Siya mismo ang naghubad ng kanyang alahas at iniabot ito sa mga tao na nasa kotse. Inihatid siya sa mismong tapat ng bahay nila at nangakong babalik. Bibili lang daw ng lunch para may pagsaluhan sila.
Umuwi si Josie bitbit ang bag na puno ng pera. May bilin ang mga tao sa kotse na huwag bubuksan hangga’t wala sila. Pagdating sa bahay, nagtaka ang asawa ni Josie kung ano ang bitbit nito. Nag-uumpisa pa lang siya ng kuwento, “naamoy” kaagad ng asawa na na-budol budol ang mahal niyang misis. Tinawagan ni Josie ang kanyang telepono. May sumagot, at ganito ang sinabi sa kanya: Dios Mariquita, ang alahas mo’y nasa sanlaan na!
Si Cecil na kamag-anak namin ay nabudol-budol din dito sa Maynila. Mga 60 plus na rin siya at may alahas na suot habang nagbabayad ng phone bill. Paglabas sa building ay may lumapit na isang babae sa kanya. Nagtatanong kung saan makakabili ng generator. Mga taga-probinsiya raw sila. Natunugan niyang Budol-budol ang kausap niya pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, naisama siya ng babae sa sasakyang nakaparada malapit sa building na nilabasan niya. Kagaya ng nangyari kay Josie, wala siyang katutol-tutol nang hingin sa kanya ang hikaw, singsing, cellphone at P10,000 na kaka-withdraw lang niya sa ATM. May ipinakita rin sa kanya na perang nasa kahon na pambili raw ng generator. Inihatid din siya sa tapat ng kanilang bahay. Noong nasa bahay na si Cecil, saka lang siya natauhan. Napaiyak na lang siya nang maisip niyang wala na ang kanyang cell phone, alahas at P10,000.
Iisa lang ang sinasabi nina Josie at Cecil, nawawala raw sila sa sarili at parang sunud-sunuran sila sa bawat ipagawa sa kanila. Base sa karanasan ng dalawa, may suot silang alahas ng araw na na-Budol Budol sila. Ang sabi ng matatanda, huwag titingin nang diretso sa mata ng kakausap sa inyo, huwag magpapahawak kahit sa braso at halinhinang ipadyak ang mga paa habang kinakausap kayo upang hindi “makalimot” o hindi tablan ng hypnosis. At para makaseguro, maging suplada kayo kapag may lalapit at magtatanong sa inyo. Okey lang maging suplada huwag lang maging biktima. Ang pinakahuli, paglabas pa lang ng bahay, magdasal na ng taimtim sa Panginoong Diyos.
- Latest