Drilon, dapat tularan ng mga inaakusahan
SA sa mga komentaryo sa dinaos na pagdinig kahapon ng Senate blue ribbon committe na nag-imbestiga sa Iloilo Convention Center (ICC) ay agad na sumipot ang inaakusahang personalidad na umano’y nagkaroon ng overpriced sa proyekto.
Masasabing dapat tularan ng mga inaakusahan ng katiwalian si Senate President Franklin Drilon na aktibong lumahok sa imbestigasyon bilang inaakusahan at hindi senador.
Ang kabutihan lang nito ay tila agad na nagkaroon ng kalinawan sa proyekto dahil sa paliwanag nina DPWH secretary Rogelio Singson at Tourism secretary Ramon Jimenez na batay sa paunang pagsisiyasat ay hindi nakitaan na mayroon ngang malaking anomalya sa proyekto.
Dahil sa pagsipot ni Drilon, inaasahang lalabnaw na ang alegasyon ng katiwalian sa ICC at ito ay direkta o personal na pinabulaanan ng inaakusahan ng katiwalian.
Bukod dito, aktibong lumahok din si Sen. Nancy Binay sa imbestigasyon at sa katunayan ay nagkainitan pa sila o nagkasagutan nina Senators Antonio Trillanes at maging si Drilon.
Nagkaroon din ng tawanan sa hearing dahil wala palang dokumento at matibay na ebidensiyang hawak ang nag-aakusa na si dating Iloilo provincial administrator Manuel Mejorada.
Komento ng iba, kung sa unang pagdinig pa lang ng Senate blue ribbon subcommittee ay sumipot si Vice President Jejomar Binay, baka natapos agad ang usapin at hindi na lumawak ang mga akusasyon ng katiwalian laban sa kanya.
Ilang beses nang inimbitahan ng Senado si Binay para dumalo sa pagdinig pero buo na yata ang desisyon nito na huwag pansinin ang imbestigasyon.
Ang pinaka-importante sa imbestigasyong ito in aid of legislation ay upang protektahan ang pondo ng bayan. Tiyakin na ang mga nangangasiwa ng pondo ay hindi umaabuso at kung gumawa ng katiwalian ay agad panagutin sa batas.
Sana, magkaroon ng positibong resulta ang mga imbestigasyon sa Senado. Mapanagot sana ang mga nagsamantala.
- Latest