Bundok sa Azerbaijan, walang tigil na nagliliyab mula pa noong unang panahon
ANG Azerbaijan ay isang maliit na bansa na nasa gitna ng Middle East at Europa. Mayaman ang Azerbaijan sa kultura kaya marami ritong tourist spot na mapapasyalan.
Isa sa mga dinadayo ay ang Yanar Dag, isang maliit na bundok na walang tigil sa pagliyab.
Ang Yanar Dag ay ilandaang taon nang nagliliyab. Sinasabing nasaksihan pa mismo ng manlalakbay na si Marco Polo ang pagliliyab ng Yanar Dag nang mapadpad siya sa Azerbaijan noong ika-13 siglo.
Ang Yanar Dag, na malapit sa siyudad ng Baku na kabisera ng Azerbaijan, ay may taas na 116 metro habang ang mga apoy nito na walang tigil sa pagliliyab ay umaabot naman sa 3 metro ang taas.
Ayon sa mga nakasaksi, laging amoy gaas ang paligid ng bundok. Ito’y dulot ng pagkakaroon ng natural gas sa ilalim ng Yanar Dag na dahilan kung bakit walang tigil ang bundok sa pagkakaroon ng apoy. Likas na mayaman sa natural gas at langis ang Azerbaijan kaya hindi na rin dapat magtaka kung bakit hindi nauubos ang natural gas na nasa ilalim ng Yanar Dag sa kabila ng walang tigil na pagliliyab ng bundok sa loob ng ilandaang taon.
- Latest