Ang Donasyon mula sa mga Manok
ISANG magsasaka ang nagpunta sa opisina ng parish priest upang magbigay ng donasyon. Kasalukuyang ipinagagawa ang simbahan na sinira ng bagyo.
“Father, tanggapin po ninyo itong P10,000 para pandagdag sa pagpapagawa ninyo ng simbahan.”
“Salamat Pidyong. Malaking tulong din ang perang ito sa ating simbahan. Mukhang malaki ang kinita mo sa iyong palayan.”
“Inabot po ng bagyo ang mga palay. Isang linggo bago mag-ani ay dumating na ang bagyo kaya lugi ako Father.”
“Buti at nagkaroon ka pa ng budget para pangdonasyon sa Simbahan”
“Ang totoo Father, ang donasyon ‘yan ay galing sa aking mga manok na inaalagaan. Panata ko na simula nang ako ay nagkamalay na ilaan ang araw ng Linggo sa pagdadasal at pagsamba sa Diyos. Ipinagbabawal ko sa aking mga anak ang pagtatrabaho sa Linggo. Ang problema, hindi ko naman puwedeng pagbawalan ang aking mga manok na mangitlog kapag araw ng Linggo. Kaya para mabawasan ang kasalanan ng mga manok sa Diyos, inihihiwalay ko ang itlog na iniluwal nila sa araw ng Linggo. Ang napagbentahan ay inihuhulog ko sa alkansiya. At ang P10, 000 na iyan ang naipon ko sa loob ng isang taon.”
- Latest