Mga turista sa Norway, binisita ang 19 na bansa sa loob ng 24 oras!
TATLONG magkakaibigan mula sa Norway ang nakapagtala ng bagong world record matapos nilang magawang bisitahin ang 19 na bansa sa Europa sa loob lamang ng isang araw.
Nagawa ng tatlong magkakaibigan na sina Gunnar Garfors, 39, Tay-young Pak, 42, at Øystein Djupvik, 40, na makuha ang world record matapos nilang malamangan ang dating record na 17 bansang nabisita sa loob ng isang araw.
Sinimulan ng magkakaibigan ang kanilang paglalakbay sa Greece. Pagkatapos noon ay tumungo sila pahilagang-kanluran at dinaanan ang 18 pang mga bansa. Kasama sa listahan ng mga bansang kanilang binisita ang Bulgaria, Macedonia, Kosovo, Serbia, Croatia, Bosnia, Slovenia, Austria, Hungary, Slovakia, the Czech Republic, Germany, the Netherlands, Belgium, Luxembourg, France, at Switzerland. Huli nilang binisita ang Liechtenstein.
Dapat ay bibisita pa sila sa Italy, na ika-20 bansa na kanilang dadaanan ngunit masyado nang naging masama ang panahon.
Naglakbay ang tatlo sakay ng mga nirentahan nilang sasakyan. Nakadalawang sakay din sila ng eroplano. Nagawa nila ang mabilis nilang pag-ikot sa Europa dahil hindi sila nagtatagal sa bawat bansang kanilang pinupuntahan. Pagdating na pagdating nila sa isang bansa ay titigil lamang sila ng sandali dito upang magpa-litrato bago ang agad nilang pag-alis upang bumiyahe papunta sa susunod na bansang kanilang dadaanan.
Plano ng tatlo na gumawa at maglabas ng isang dokumentaryo tungkol sa kanilang kakaibang paglalakbay.
- Latest