EDITORYAL - Kakulangan ng AFP kaya hindi malipol ang Sayyaf
I NAMIN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kulang sila sa human intelligence kaya nahihirapan silang durugin ang Abu Sayyaf. Malaking challenge umano sa kanila ang mga bandido pero darating din daw umano ang tamang panahon at mauubos ang mga ito. Noong nakaraang linggo, anim na sundalo ang napatay ng Abu Sayyaf at sabi ng AFP tuluy-tuloy na ang pakikipaglaban nila sa mga bandidong grupo.
Dalawang dekada na ang pamamayagpag ng Abu Sayyaf. Nangingidnap sila ng dayuhan kapalit nang malaking halaga ng ransom. Pinapatay nila ang bihag kapag hindi ipinagkaloob ang kanilang hinihinging pera. Maski babae ay walang awa nilang pinapatay. Pinupugutan nila ang mga sundalo na kanilang napapatay sa ambus. Wala silang awa kung pumatay ng pari.
Sabi ng AFP hindi lamang ang pagdurog sa mga bandido ang kanilang pinag-aaralan kundi kung paano malalaman ang ugat at itinatag ito noong 1990. Hamon sa kanila ang mga bandido sapagkat karamihan sa mga ito ay magkakamag-anak. Nagtatakipan ang mga ito kaya walang makuhang impormasyon ang mga sundalo. At dahil maraming kamag-anak, madaling nalalaman ng Sayyaf kung paano sasalakay ang mga sundalo. Nai-feed na ang mga impormasyon sa Sayyaf kaya handang-handa sila at madaling nalalagasan ang panig ng gobyerno.
Kulang sila sa human intelligence. Ito ang malaking problema ng AFP kaya hindi malipol ang Sayyaf. Di ba’t may pondo ang AFP para sa intelligence gathering? Nasaan na ang mga iyon? Bakit hindi gastusin sa pagkuha ng mga taong titiktik at magbibigay ng impormasyon sa mga bandido?
Malaking tulong kapag nakuha ang galaw ng mga bandido. Ito sana ang pagtuunan ng AFP. Kung hindi sila makakakuha ng human intel para ma-monitor ang Sayyaf, magpapatuloy ang pangingidnap at maaaring malagasan pa nang malagasan ang panig ng mga sundalo. Kailangang maisagawa sa lalong madaling panahon ang pag-monitor sa kilos ng mga bandido. Sila ang hadlang sa pag-unlad ng Mindanao.
- Latest