^

Punto Mo

‘Ahensiyang aberya’

- Tony Calvento - Pang-masa

ANG PAGKAKATAON ay kumakatok lamang minsan sa ating buhay kapag natutulog ka sa pansitan baka hindi mo siya mamalayan.

“May tiket na raw ako pero hindi ko naman nakita. Wala pa nga akong pinipirmahang kontrata sa kanila. Yung ibang nauna sa akin ay naghihintay pa hanggang ngayon, mauuna pa raw akong makaalis,” simula ni Ronald.

Ilang linggo lang siyang naghintay ngunit agad-agad siyang minamadali ng ahensiya na magbayad ng ‘placement fee’ para siya’y makaalis.

Kwento sa amin ni Ronald Maasin, 36 na taong gulang, nakatira sa Valenzuela, Agosto ng taong 2014 nang isinama siya ng kanyang mga katrabaho na mag-apply sa isang ahensiya. Sa hirap ng buhay dito sa Pilipinas naengganyo si Ronald na sumama sa mga kaibigan.

“Tinawagan sila ng Fil Expat Placement Agency. Matagal na raw silang nagpasa ng resumé dun. Sumama ako,” kwento ni Ronald. Lima silang nagpunta sa ahensiya. Ininterview sila kaagad. Isang lalaki ang nagpakilala na pinadala raw ng employer para kausapin ang mga nag-aapply.

“Supervisor daw siya sa Jeddah. Al Ruad ang pangalan ng kompanya,” pahayag ni Ronald. Sabi sa kanya pwede siyang ipasok bilang ‘assembler’ ng aircon. 1,500 Riyals aabot ng Php18,000 ang magiging sahod at may 300 Riyals (Php3,500) pang ‘food allowance’. Libre ang bahay at pamasahe papunta. Halos lahat silang nag-apply tinanggap. Makalipas ang tatlong araw tinawagan sila ng ahensiya para sumailalim sa ‘medical examination’. Natagalan ng punta si Ronald dahil gipit na gipit sila ng mga panahong ’yun. Isang linggo pa ang nakalipas bago siya nakapagpa-medical.

“Fit to work naman daw ako. Nagpa-vaccine din ako. Ipinangutang ko lahat yun,” pahayag ni Ronald.

Kailangan na lang daw bayaran ni Ronald ang placement fee na nagkakahalaga ng 1,500 Riyals at may 12% VAT. Halos Php20,000 lahat.

“Nag-refer sila sa akin ng lending agency para makabayad ako ng placement fee. Sa MLC Money Lend Corp. ako nagpunta,” salaysay ni Ro­nald. Hiningian siya ng mga requirements at kailangan daw gawing co-maker ang asawa. Dalawang valid i.d. ang dapat maipasa ng misis niya. Hindi sila naka­pagbigay kaagad. Una ayos na raw kahit postal i.d. ang problema walang pera ang mag-asawa.

“Parang ginigipit na ako ng ahensiya ko. Ika-16 ng Setyembre 2014 tumawag sila sa akin. Kailangan daw maayos na ang tungkol sa placement fee,” kwento ni Ronald. Dagdag pa ng ahensiya dumating na raw ang tiket nito sa eroplano at ilang araw na lang kailangan na niyang umalis ng bansa. Nung simula raw may pinirmahan siyang kontrata.

“Wala pa akong nakikikitang visa ko. Pati tiket hindi naman nila ibinigay sa ’kin. Kapag hindi ko raw nabayaran ang placement fee makakansela ang flight. Magbabayad daw ako ng lahat ng nagastos nila,” wika ni Ronald. Nagtataka rin si Ronald kung bakit may tiket na siya gayung ang kasunduan nila nung una ay magbabayad muna siya bago asikasuhin ang kanyang mga papeles. Pabigla-bigla raw ang ahensiya at isang araw tatawag na lang na may tiket na siya at kung kailan ang kanyang alis.

“Bakit ang mga kasamahan ko na nauna sa akin wala pa namang petsa ng alis. Pinipilit pa ako ng ahensiya na gawan ko raw ng paraan,” salaysay ni Ronald. Bineripika rin daw nila sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at accredited naman daw ang nasabing ahensiya. Nais ni Ronald na umatras na lang sa pag-aapply sa Fil Expat dahil natatakot siya na baka pagdating niya sa Jeddah ay saka pa siya ipitin ng mga ito. Kinukuha na ni Ronald ang kanyang pasaporte ngunit ayaw itong ibigay ng ahensiya dahil kailangan niya raw bayaran lahat ng nagastos nito. Php15,000 ang ha­lagang hinihingi sa kanya.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Ronald.

BILANG TULONG ini-refer namin si Ronald kay Atty. Virgilio Mendez, Director ng National Bureau of Investigation upang maimbestigahan ang kanyang ahensiya.

Matapos magtungo ni Ronald sa aming tanggapan pinayuhan namin siya na kausapin ang kanyang ahensiya. Pinahingi namin siya ng kopya ng kanyang tiket at kung anong airline company yun. Sagot sa kanya ng ahensiya, nagkaroon daw ng problema sa Jeddah kaya’t tatawagan na lang daw siya para sa panibagong schedule. Tinanong din niya kung napirmahan na ang kanyang working visa ngunit sagot nito “wala pa”.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mas mabuti kung nagtanong ka muna sa POEA kung legal ba ang ginagawa nilang paniningil ng placement fee. Ang employer mo sa ibang bansa kalimitan ay nagbabayad sa ahensiya upang maghanap ng trabahador. Ang employer ang gagastos habang ang ahensiya naman ang aasikaso ng ilang mga dokumento.

Kapag nagtatrabaho ka na saka lang ito ibabawas sa sweldo mo. Sa simula pa lang dapat nag-isip-isip ka na. Malinaw na nung kinausap mo ang ahensiya, hindi pa ayos ang working visa mo hindi kaya hindi rin totoo na may tiket ka na? Ang kontrata ring pinipirmahan ng mga aalis ng bansa para magtrabaho dapat aprubado yan ng POEA. Ilalapit namin ang problema niya sa pagkuha ng pasaporte kay Asec. Wilfredo Santos, head ng Department of Foreign Affairs (DFA) for Consular Affairs. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

AHENSIYA

AKO

DAW

JEDDAH

RAW

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with