‘Walang Mangmang na Pinoy!’
NAGSIMULA sa Iloilo, sumunod sa Pampanga, nakarating sa Aklan ngayon naman sa malayong parte ng Luzon sa Ilocos Norte.
Ang mga estudyante ng mataas na paaralan ng Malaguip Integrated School (MIS) sa Paoay at Ilocos Norte College of Arts and Trade (INCAT) sa Laoag City ang mga bagong benepisyaryo ng “Matuwid na Daan sa Silid Aralan” na proyekto ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kamakailan lang ay ibinigay ng PAGCOR ang two-storey, ten-classroom building sa mga pampublikong eskwelahan habang ang MIS naman ay nakatanggap ng one-storey, five classroom building.
Ayon sa PAGCOR Chairman at CEO Cristino Naguiat Jr, ang mga nasabing donasyon ay bahagi ng “Matuwid na Daan sa Silid-Aralan” na school building program ng ahensiya.
“Simula nung inilunsad namin ang proyektong ito noong 2011, ang aming ahensiya ay nakapaglaan na ng limang bilyong piso para makapagpatayo ng libo-libong silid-aralan para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Ang mga moderno at mas maluwag na silid-aralan na ito ang iiwan naming pamana sa mga kabataang Pilipino. Bukod dito sa Ilocos, nagpapatayo din ang PAGCOR ng mga silid-aralan sa iba’t-ibang lugar, kasama na ang mga nasalanta ng Yolanda,” pagbabahagi nito.
Ang INCAT Vocational Schools Superintendent Eugenio Pedro ay nagpapasalamat sa PAGCOR dahil ang ten classroom, two-storey building na donasyon sa kanila ay isang malaking tulong para sa paaralan. Ang INCAT ay isa sa mga pinaka matanda at pinaka malaking pampublikong mataas na paaralan sa Ilocos Norte na kilala rin sa mga technical vocational courses nito.
Ang INCAT ay isang siglo na ang tanda kaya naman marami sa mga gusali nito ay luma na.
“Masaya kami na dumating ang PAGCOR para tulungan kami. Dati, marami sa aming mga estudyante ang nagkaklase sa labas ng silid. Ngayon, maipapatupad na nang maayos ng aming mga guro ang kanilang mga stratehiya sa pagtuturo. Ang kanilang donasyon ay makakatulong samin na maabot ang aming mga layunin,” wika nito.
Sa sitwasyon naman ng MIS, kinailangan ng paaralan na gamitin ang mga pasilidad na maari nilang mapakinabangan para ma-accommodate ang lumalaking bilang ng mga kabataang hindi nakakapag aral mula sa malalayong sityo ng Callaguip, Masintoc at Oaid-Upay Abulao. Karamihan sa mga estudyante na nakatira sa mga lugar na ito ay humihinto sa pag-aaral pagkatapos nila sa elementarya dahil sa kahirapan. Hindi kayang tustusan ng kanilang mga magulang ang gastos sa transportasyon sa araw-araw para lang makapasok sa pinakamalapit na mataas na paaralan sa bayan ng Paoay.
Ang labing walong taong gulang na si Meynard Villanueva ay isa sa kanila. Nagtapos siya sa elementarya noong 2008 na may pinakamataas na karangalan, ngunit hindi na rin nakapasok sa high school dahil wala silang regular na mapagkukunan ng pera pantustos. Gagastos siya ng P140 para sa pang araw-araw niyang tranportasyon sa pagpasok na masyadong malaki para sa kaniyang mga magulang.
Kaya naman para sa consistent honour student na mula sa sityo ng Callaguip, ang pagbubukas ng high school department sa MIS ay isang malaking biyaya. Ang MIS ay limang minutong lakad lamang mula sa kanilang bahay.
Dahil sa karagdagang silid na donasyon ng PAGCOR, ang high school student na katulad ni Meynard ay ngayun makakapag aral na sa isang komportableng silid aralan.
“Nagpapasalamat ako na dahil sa mga classrooms na pinatayo ng PAGCOR, nabigyan ang mga dating hindi nakakapag aral na kagaya ko ng maayos na silid-aralan,” pagbabahagi niya.
Ayon kay Mylene Passion na isa sa mga guro ng mataas na paaralan ng MIS, nanghihiram lamang sila ng silid mula sa mga estudyante ng elementarya mula pa noong 2011.
“Dahil sa donasyon ng PAGCOR, hindi na namin kailangang manghiram ng silid mula sa elementary department. Lahat ng estudyante namin sa mataas na paaralan ng MIS ay gagamitin na ang bagong silid na binigay ng PAGCOR,” kwento nito.
(KINALAP NI I-GIE MALIXI)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest