Manong Wen (81)
M ATIYAGA pa rin sa pagbabantay si Jo sa magkapatid. Mabuti na lamang at nagdesisyon siyang mag-jacket at sumbero. Pananggalang niya sa lamok at iba pang insekto ang jacket at sombrero. Kahit abutin siya ng madaling araw ay makakatagal pa rin siya. Desidido siyang bantayan ang magkapatid sa buong magdamag.
Ang hinihintay ni Jo na pag-usapan ng magkapatid ay ang dahilan nang pagtawag sa kanya ni Princess. Pero tila wala pang problema siyang nakikita maliban sa pagtatampo ni Princess dahil hindi nasagot ang tawag. Kung alam lang ni Princess na nasira ang cell phone niya kaya hindi nasagot ang tawag. Mabuti na lamang at nanumbalik sa dati ang CP kaya nalaman niya ang pagtawag ni Princess.
Naghintay pa si Jo nang pag-uusapan nang magkapatid pero wala nang naganap sapagkat ipinasya na ni Precious na matulog.
“Matutulog na ako Ate. Ikaw?’’
“Sige matulog ka na. Susunod na ako. Aayusin ko lang ang paglulutuan ng bibingka mamayang madaling araw.’’
“Sige Ate, good night.’’
Umalis na si Precious.
Ipinagpatuloy ni Princess ang paghahanda sa ilulutong bibingka. Si Jo naman ay patuloy na nakatago sa labas ng kusina malapit sa pinaglulutuan ng bibingka.
Makalipas ang may kalahating oras ay wala nang narinig sa kusina si Jo. Kasunod niyon ay pinatay ang ilaw sa kusina. Nabuhay ang ilaw sa banyo at narinig niya ang bagsak ng tubig sa timba. Nasa banyo si Princess. Makalipas pa ang ilang minuto, pinatay ang ilaw sa banyo. Biglang nagdilim sa paligid pati sa kinaroroonan ni Jo.
Dahan-dahang dinukot ni Jo ang maliit na flashlight sa jacket. Made in Germany ang flashlight kaya nang sindihan, lumiwanag ang paligid. Tamang-tama na may papag sa pinaglulutuan ng bibingka. Doon siya matutulog. Pero bago natulog, ini-alarm niya ng alas tres ng madaling araw ang cell phone niya. Kailangang gising na siya ng oras na iyon. Nahiga na siya.
NAGISING si Jo sa alarm ng CP. Bumangon siya at nakiramdam. Maya-maya lamang, nabuhay na ang ilaw sa kusina. Ibig sabihin, gising na si Princess para magluto ng bibingka.
Mabilis siyang nagtago para hindi makita ni Princess.
Binuksan ni Princess ang pinto. Inihanda ang mga lutuan ng bibingka. Nilagyan ng uling at sinindihan hanggang sa magbaga.
Maya-maya pa, nagluluto na ito ng bibingka. Napakaliksi ni Princess. Hangang-hanga si Jo. Napakasipag na babae!
(Itutuloy)
- Latest