Ang boyfriend sa canvas
SI Linda, isang dalagang taga-New York City ay maga-ling na artist at poet. Sa edad na 28 ay nagsimulang sumakit ang kanyang ulo. ‘Yung halos iuntog niya ang kanyang ulo sa pader sa tindi ng sakit nito. Pagkaraan ng iba’t ibang test, isang nakapanlulumong balita ang ipinarating ng doktor kay Linda at sa pamilya nito—may brain tumor si Linda, at malala na ito. Tinapat sila ng doktor, mga 2 porsiyento lang ang pag-asang gumaling kahit pa operahan ito. Magkaganoon pa man, pinili ni Linda na magpaopera at makipagsapalaran.
Habang hinihintay ni Linda na siya ay maoperahan, nilibang niya ang sarili sa pagsusulat ng tula at pagpipinta. Dumating ang itinakdang petsa ng operasyon. Bago ipasok sa operating room, gumawa muna siya ng last will na nagsasaad ng—ipamimigay niya ang lahat ng kanyang useful organs sa mga pasyenteng nangangailangan nito. Pagkaraan ng mahabang oras na pagsisikap ng mga doktor na madugtungan pa ang buhay ni Linda, si Kamatayan pa rin ang nanalo sa bandang huli.
Ang mata ni Linda ay natanggap ng isang binata mula sa South Carolina. Sinikap ng recipient na kilalanin ang kanyang donor. Isang araw ay natagpuan nito ang sarili na kumakatok sa pintuan nina Linda sa New York. Tuwang-tuwa ang ina ni Linda sa pagbisita ng taong nagmamay-ari na ng mata ng kanyang anak. Unang kita pa lang ng ina ni Linda sa binata ay may pakiramdam ito na nakita na niya noon pang araw ang binata. Pamilyar sa kanya ang mukha nito. Biglang napapitlag ang puso ng ina nang maalaala nito ang portrait na iginuhit ni Linda. Dali-daling kinuha ng ina sa kuwarto ni Linda ang portrait na nabanggit...ang lalaking iginuhit ni Linda mula sa kanyang imahinasyon ay kamukhang-kamukha ng binatang nasa harapan niya. Sa ibaba ng portrait ay may isinulat si Linda :
Two hearts passing in the night,
Falling in love,
Never able to gain each other’s sight.
Gusto niyang magka-boyfriend noon pero wala namang nanliligaw. Kaya para mapasaya ang sarili, ipininta niya ang hitsura ng pangarap niyang maging boyfriend.
- Latest