Kabaong ng Egyptian mummy, natagpuan sa isang bahay sa UK
ISANG kabaong ng mummy mula sa Egypt na tinatayang 3,000 taong gulang ang natagpuang nakatago sa loob ng pader ng isang nire-renovate na bahay sa Essex County, England.
Natuklasan ni Stephen Drake ang kabaong matapos siyang pakiusapan ng mga kamag-anak ng kamamatay lang na may-ari ng bahay na siyasatin ang mga naiwang ari-arian ng namayapa.
Ayon kay Stephen, nakita niya ang kabaong nang mapansin niyang may maliit na lagusan sa gitna ng mga pader ng bahay. Pinasok niya ang siwang sa gitna ng mga pader at doon niya nakita ang kabaong ng Egyptian mummy na sa tingin niya ay matagal nang nakatago roon dahil sa dami ng agiw na nakabalot.
Pakiramdam daw ni Stephen, para siyang si Indiana Jones nang matuklasan ang kakaibang kabaong.
Upang magkaroon pa ng kaalaman tungkol sa kanyang natuklasan, kumunsulta si Stephen sa mga eksperto. Ayon sa mga dalubhasa mula sa Cambridge University na sumuri sa kabaong, tinatayang ginawa ang kabaong noon pang 700 BC o 700 taon bago ipanganak si Hesus.
Maibilis na naibenta sa isang subastahan ang kabaong. Nabili ito sa halagang 12,000 pounds (humigit kumulang P860,000.)
Ayon sa bagong may-ari, sa isang museo mapupunta ang kabaong ng mummy.
- Latest