Darius: ang pinaka-malaking kuneho sa mundo!
SI Darius ay isang kuneho mula sa United Kingdom. Limang taong gulang na siya. Lubhang kakaiba ang kunehong si Darius sapagkat sa bigat na 22 kilo at haba na lampas 4 na talampakan -- siya ang tinuturing na pinakamalaking kuneho sa mundo.
Hindi na dapat magtaka sa bigat ni Darius dahil napakarami niyang kumain. Alam n’yo bang ang nakukunsumo niyang carrots taun-taon ay 4,000 piraso. Kung kukuwentahin sa Philippine peso ang halaga ng kanyang kinakain bawat taon, umaabot sa P180,000.
Ang 62-anyos na si Annette Edwards ang nagmamay-ari kay Darius. Sadya raw talagang napakatakaw ng kanyang alaga kaya ito lumaki ng sobra. Kumakain daw ito ng 12 carrots sa isang araw bukod pa sa mansanas at iba pang mga prutas. Sa dami ng kinakain ni Darius araw-araw ay hindi na raw dapat mamangha kung bakit halos kasinglaki na nito ang isang 6 na taong gulang bata.
Hindi naman nagrereklamo si Annette sa katakawan ng kanyang alaga dahil napakagiliw naman daw nito sa kanya at sa lahat ng taong nakakasalamuha nito. Kaya naman sinusunod na lamang niya ang hilig nito sa pagkain nang maraming carrots araw-araw.
Si Darius ang nakatala ngayon sa Guinness Book of World Records bilang pinakamalaking kuneho sa mundo.
- Latest