Ang Batang Madungis na may ATM card
MAHABA ang pila sa ATM kapag araw ng suweldo. Sa aking unahan ay isang batang lalaki na may hawak-hawak na ATM card. Sa tantiya ko ay mga sampung taon ang bata. Hindi siya mapakali sa pila. Lalapit sa pinto ng ATM at sisilip sa loob. Parang may pinag-aaralan. Pinagmasdan ko ang hitsura ng bata. ‘Yung paa niya ang nakatawag-pansin sa akin. Madungis. Puno ng putik, umulan kasi noong maaga-aga pa. Madungis din ang kanyang short at kulay ‘dirty white’ ang kanyang puting t-shirt. Sa biglang konklusyon ay mahirap lang ang bata. Pero sosyal… may ATM card siya! Naintriga ako. Tinanong ko ito.
“Boy, magwi-withdraw ka?”. Tumingin sa akin. Tumango. Tumahimik ako. Maya-maya ay siya naman ang nagtanong.
“Ate, anong number nito?”, sabay turo sa hawak na ATM card . “Sa iyo ba ‘yan?”, balik-tanong ko sa bata. Tumango. Nabuo ang isang hinala kanina pa. Sabi ko, “Kung hindi mo alam ang numero ng iyong card, walang lalabas na pera sa makinang iyun.” Sabay nguso ko sa makinang nagluluwa ng pera. “Magtanong ka sa guwardiya.”
Gusto kong mabigyang pansin ng guwardiya ang kahina-hinalang pagkakaroon ng ATM card ng batang madungis. Nagtanong sa guwardiya. Sa kauurirat ng guwardiya, nabisto na ang bata pala ay may kasamang matandang lalaki na naghihintay sa may di kalayuan. Biglang umamin ang bata na ang ATM card ay galing sa bag na na-snatch ng kanyang kasamang lalaki nang umagang iyon. Bago pa makatakbo ang lalaking kasama ng bata ay nasakote kaagad siya ng dalawang guwardiya. Dinala sa presinto ang lalaki kasama ang bata.
- Latest