EDITORYAL - Kailan makalalanghap ng sariwang hangin?
GRABE na ang air pollution sa Metro Manila. Araw-araw ang nakakasulasok na usok ang nala-langhap ng milyong residente sa Metro Manila. Kapag hindi nasolusyunan ang air pollution, maaaring hindi na matitirahan ang Metro Manila sa susunod na panahon. Kung hindi kikilos ang pamahalaan, particular ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), maraming magkakasakit at malaking pera ang kakailanganin para pantustos sa mga pampublikong hospital. Babalikatin din ng gobyerno ang pagpapagamot sa mga nabiktima ng hanging may lason.
Ayon sa DENR, ang mga sasakyan ang nagdudulot ng grabeng pollution sa Metro Manila. Umano’y 70-80 percent ng usok ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Ang maruming usok na ito ang nalalanghap ng kawawang commuters at nagdudulot ng sakit sa respiratory system.
Ang plano ng DENR para masolusyunan ang pollution, lahat nang mga luma at karag-karag na sasakyan ay ipagbawal na sa kalye. I-junk na ang mga lumang sasakyan. Suhestiyon ng DENR sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang mga sasakyang 15 taon pataas ay dapat nang i-phased out. Ang mga lumang sasakyan ay malakas kumunsumo ng gasolina at nagpo-produce nang nakasusulasok na usok.
Maganda ang plano ng DENR pero sana ay noon pa nila ito ginawa para hindi na lumubha ang air pollution. Nasaan na rin ang smoke belching campaign ng DENR? Sa mga nakaraang taon, nagsasagawa sila ng anti-smoke belching subalit nakapagtataka kung bakit biglang nawala ang kampanya. Ningas-kugon lang?
Iligtas ang Metro Manila sa nakamamatay na air pollution. Maawa sa mga susunod pang henerasyon na umaasang may malalanghap pa silang sariwang hangin sa Metro Manila.
- Latest