Lumang typewriter, gamit ng Brazilian artist sa paggawa ng mga larawan
SA unang tingin, walang mapapansing kakaiba sa mga nilikhang larawan ng Brazilian artist na si Alvaro Franca. Ngunit kung titingnang mabuti ang mga portrait na kanyang ginawa, mapapansing ang larawan ay binubuo ng mga maliliit na letra.
Ito ay dahil sa kakaibang gamit ni Alvaro sa paggawa ng kanyang mga obra. Sa halip kasi na brush, isang lumang typewriter ang gamit ni Alvaro sa paglikha ng mga ginagawa niyang portrait.
Bago niya simulan ang proseso ay inilalagay niya muna sa computer ang larawan na kanyang gagawin. Sa computer niya pinaplano kung aling parte ang kailangang madilim o maliwanag ang kulay.
Matapos planuhin ang gagawing diskarte sa portrait ay sisimulan na ni Alvaro ang paglikha sa larawan gamit ang kanyang lumang typewriter. Gagamit siya ng mga malalapad na letrang katulad ng ‘m’ para sa mga parte ng larawan na kailangan ng madilim ang kulay samantalang gagamitan niya ng mga maninipis na letrang katulad ng ‘i’ at ‘o’ ang mga parte ng larawan na kailangang maliwanag ang kulay. Para sa mga parte ng larawan na katulad ng buhok na kailangang kulay itim ay uulit-ulitin niya ang pagta-type ng mga letra upang mapuno ang parteng iyon ng tinta at magkaroon ng itim na kulay.
Isang serye na ng mga portrait ng mga sikat na manunulat katulad nina J.D. Salinger at Jack Kerouac ang nagawa ni Alvaro at plano niyang madagdagan pa ang mga likha niyang larawan bago matapos ang taon.
- Latest