Parusahan ang opisyal kahit pa nagbitiw na
MADALAS mangyari na ang isang opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian ay napipilitang magbitiw kapag inuulan ng batikos. Kapag tuluyang uminit sa mata ng taumbayan ay napipilitang magbitiw lalo na kung matibay ang mga ebidensiya.
Mayroong kusang nagbibitiw pero mayroong nagmamatigas hanggang sa puwersahang palayasin ng Presidente. Pero may mga opisyal na kahit nababatikos at malakas ang ebidensiya sa katiwalian ay hindi nagbibitiw at malakas ang loob dahil kaibigan ng Presidente. At ang masaklap, ang opisyal matapos magbitiw sa puwesto ay tila naabsuwelto na sa katiwalian.
Isang halimbawa ay si NFA administrator Arthur Juan na nagbitiw matapos na mailabas ng NBI na malakas ang ebidensiya hinggil sa umano’y pangingikil ng P15 milyon sa isang negosyante batay sa bank account at text messages sa telepono. Bukod kay Juan, naunang nagbitiw o sinibak sa puwesto si MRT general manager Al Vitangcol na nasangkot din sa pa-ngingikil. Sina Juan at Vitangcol ay inimbestigahan ng NBI at lumitaw na may basehan upang masampahan ng kaso sa korte ang mga ito.
Sa mga nakaraang administrasyon, nakagawian na kapag nagbitiw na sa puwesto ay para absuwelto na at hindi na itinutuloy ang kaso. Kaya paulit-ulit na nangyayari sa ating gobyerno ang mga katiwalian ng ilang opisyal na kapag nabisto at binatikos ng publiko ay nagbibitiw lang sa puwesto pero hindi nakakasuhan.
Kung hindi mapaparusahan kahit may matibay na ebidensiya na sangkot sa katiwalian, malabong tumino ang sistema at marami pang opisyal ang magtatangka sa pondo ng bayan.
- Latest