Pergalan
NAGSULPUTAN ang mga pergalan sa Pasay City dahil sa kapistahan ng Bgy. San Rafael sa Sept. 28. Ang mga pergalan ni alyas Rona ay matatagpuan sa Pilapil St., Rotunda at sa Pasay City public Market. Siyempre, tulad ng operation ng mga pergalan, ang armas lang ni Rona, ayon sa mga kosa ko, ay ang permit para sa mini-carnival at dinudumog ito ng kabataan at mga residente doon. Subalit nakapaloob sa mini-carnival mga kosa ay ang mga sugal na color games at drop ball na kinagigiliwan ng mga manunugal. Sinabi ng mga kosa ko na ang permit ni Rona sa City Hall ay nagkahalaga ng P200,000 at ang permit naman sa opisina ni Sr. Supt. Melchor “Batman” Reyes ay P50,000. Itong sa City Hall at sa opisina ni Reyes mga kosa ay matatawag kong “isang bagsakan lang.” Kaya maliwanag na may pasugalan itong pergalan ni Rona dahil sa sobrang mahal ng permit, di ba Mayor Tony Calixto Sir? Ang malakas na operation ng pergalan ay sa Rotunda dahil malapit ito sa terminal ng mga jeepney na may biyaheng Pasay-Rotunda-Alabang-San Pedro at sa pelengke dahil malapit ito sa bilyaran at sa puwesto ng kumpare ni Mayor Calixto na si Roger, ang may pa-ending at lotteng sa naturang lugar. Mula 7:00 ng gabi ang bukas ng mga pergalan ni Rona at hanggang may nagsusugal ay tuloy ito. Hehehe! Totoo ba na P2,000 weekly naman kada puwesto ng pergalan ang para sa PCP commander na may sakop nito? Boom panes!
Hinahamon ko mga kosa si NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria na ipasara ang pergalan ni Rona. Maari ngang nagdulot ng kasiyahan sa residente ang mga rides nito, subalit maliwanag na ninanakawan naman sila ni Rona ng pera nilang panghanda sa color games at drop balls, di ba mga kosa? Kung sabagay, kung ang malakas na pergalan sa Pinatubo St., at West Point St., sa Cubao ay naipasara ni Valmoria, itong sa Bgy. San Rafael pa kaya? Kasi nga mga kosa, kung sa lamandagat na pugita, itong pergalan sa Cubao ay matawag kong ulo na. Pinakamalaki na ito sa buong bansa. Kaya itong pergalan ni Rona ay sasabihin kong galamay lang. Kung ang ulo ay natagpas ni Valmoria, ang mga galamay pa kaya? Nagyayabang si alyas Alex na nakatimbre sila sa lahat ng operating units ng PNP at gobyerno tulad ng NBI at GAB, eh bakit sarado sila? ‘Yan ang tanong mga kosa. Mismo!
Masyadong maangas si Alex subalit puro hangin lang pala! Tumpak! Teka nga pala! Puwede ring ipasailalim ni BIR commissioner Kim Henares si Rona sa lifestyle check para masingil ng tamang buwis.
Kung abala naman ang NCRPO sa pagsugpo ng kriminalidad sa Metro Manila, puwede ring lapitan ang Office of Internal Service (OIS) o and Special Projects Division (SPD) ni DILG Sec. Mar Roxas para ipasara ang pergalan ni Rona. Kasi nga panay naman pagpapakilala nitong OIS at SPD saan mang bahagi ng Metro Manila at bansa kaya patunayan nila sa ngayon na hindi puro bangketa ang lakad nila sa pamamagitan ng pag-raid sa puwesto ni Rona, di ba mga kosa? Abangan!
- Latest