‘Crime against person, crime against property’
PATULOY na nagbibigay ng babala ang BITAG sa kolum na ito.
Tuwing “ber” months kasi tumataas ang mga index crime. Ito ’yung mga insidente ng nakawan, panloloob walang habas na pagpatay, mga panghahalay at panggagahasa at iba pa.
Sa ganitong mga panahon din mas lalong aktibo at agresibo ang mga masasamang-loob sa kanilang aktibidades.
Ang mga “demonyo sa lupa,” kaniya-kaniya sa paghahasik ng lagim gamit ang kanilang mga estratihiya at taktika para makapambiktima.
Kuwidaw, baka kasi maisahan at ma-BITAG kayo ng mga putok sa buhong kriminal habang abala kayo sa mga paghahanda ngayong Kapaskuhan.
Bagama’t walang pinipiling panahon sa pagsasagawa ng kanilang aktibidades, inaasahan nang lolobo pa ang kriminalidad ngayong Christmas season.
Hindi garantiya ang anunsyo at sinasabi ng Philippine National Police (PNP) na pag-iigtingin nila ang pagbabantay ngayong “ber” months na ligtas na kayo sa mga kriminal.
Maliban kasi sa persepsyong “mapera” ang publiko, dala ng natutulog nilang pagnanasa, kapag nakahanap ng oportunidad, gagawa at gagawa sila ng krimen.
Gasgas at paulit-ulit nang All Points Bulletin ng mga awtoridad at BITAG sa publiko, laging maging ’ lerto, listo at mapagmatyag sa lahat ng pagkakataon.
’Wag hayaang mapasama sa estatistika ng mga nabibiktima ng mga masasamang-loob. Mag-ingat! Mag-ingat!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at Aksyon TV.
- Latest