Lokohan sa cosmic rays ng Mars
BATAY sa mga impormasyon mula sa mga lathalaing pang-agham, hindi kasama ang Mars sa pinagmumulan ng tinatawag na cosmic rays. Hindi rin nakalista rito ang iba pang mga planeta. Pangunahing nagmumula sa labas ng solar system ang radiation na ito bukod sa Araw. Bukod dito, merong atmospera ang Daigdig na nangangalaga dito laban sa anumang radiation mula sa kalawakan.
Kaya, sa impormasyong ito pa lamang, mahihiwatigang panloloko lang ang kumalat kamakailan na mga text message at mga babalang mensahe sa social media sa internet na nagpapayo sa mga tao na patayin ang cell phone mula 10:30 ng gabi hanggang 3:30 ng madaling-araw dahil manganganib ito sa cosmic rays mula sa Mars na papasok sa Daigdig. Nakakamatay din umano pag itinabi sa pagtulog ang cell phone nang nakabukas at ito ay tinamaan ng cosmic rays.
Bukod dito, wala namang inuulat ang mga pambalitaang ahensiya o maging ang mga ahensiyang pang-agham na tulad ng PAGASA o NASA hinggil sa cosmic rays na iyan na sisira umano sa mga cell phone. Wala ring pruweba kung paanong sisirain ng cosmic rays ang mga cell phone.
Nagsimula umano ang pagkalat ng naturang mensahe noon pang 2008 sa iba’t ibang bansa tulad sa Amerika. Iniulat nga ng BBC na maraming mamamayan sa Ghana ang naisahan noong 2010 ng ganitong mensahe na nagsaad na magdudulot ng malakas na lindol ang cosmic rays na ito mula sa Mars. Mula pa noong taong 2012 ay kumalat na rin sa Pilipinas ang mapanlinlang na mensaheng ito.
Iniulat nga sa website ng ABS-CBN na, ayon sa coolbuster.net, intension ng nagpakalat ng naturang mensahe na magdulot ng panic sa mga mamamayan pero ginagamit din ito ng mga kriminal para makapambiktima.
Ayon pa umano sa coolbuster.net, kapag pinatay mo ang cell phone mo, kokontakin ng kriminal ang isang miyembro ng iyong pamilya, kamag-anak o kaibigan para ibalitang naaksidente ka. Hihingan ng kriminal ng load sa cell phone o ng pera ang iyong kapamilya. Walang magagawa ang iyong mahal sa buhay kundi magbigay ng pera. Hindi ka nila makokontak para maberipika ang kalagayan mo dahil nakapatay nga ang cell phone mo.
- Latest