^

Punto Mo

‘Nakaalis na sa purgatoryo’

- Tony Calvento - Pang-masa

SINLAKAS ng tubig baha ang hatak ng pagkakataong makapagtrabaho sa ibang bansa kaya naman dinadagsa ito. Maraming pinapalad ngunit meron din namang mas grabe ang nagiging sitwasyon sa kanilang pinatunguhan.

Hindi pa sumisilip ang haring araw kailangan nang bumangon ni Roselyn Maranan, 46 na taong gulang upang magsimula sa pagtatrabaho. Kung mahuhuli ng gising sigaw at masasamang salita ang naririnig niya mula sa amo.

“Kapag hindi maganda ang ayos ng buhok aawayin niya na ako,” sabi ni Roselyn.

Minsan na naming naitampok sa aming pitak ang kwento ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Roselyn na nagtungo sa Abu, Dhabi. Inilapit ito sa amin ng kanyang inang si Lilia Diploma. Pinamagatan namin itong “Ibabalik sa purgatory”.

“Gusto ko pong humingi ng tulong para makauwi na ang anak ko. Sinasaktan siya dun ng mga alaga niya. Hindi niya na daw kayang makisama,” ayon kay Lilia.

Isang Pilipina ang papauwi na ng Pilipinas na si Analee Allada ang nakilala ni Roselyn sa ahensiyang tinakbuhan nang siya’y tumakas, ang White Sea Pearls Manpower. Nag-iwan ng numero si Roselyn dito upang humingi ng tulong kung saan lumapit ang kanyang asawa para siya’y mapauwi. Pagkarating ni Analee sinamahan niya si Lilia sa aming tanggapan. Agad naman naming in-email kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng impormasyon tungkol kay Roselyn.

Mabilis ang naging pagtugon ni Usec. Seguis at nakipag-ugnayan siya kina Amb. Grace Re­lucio Princesa at kay Vice Consul Norman Padalhin. Nang simula nahirapan kaming makausap si Roselyn sapagkat hindi nito sinasagot ang mga tawag ng embahada. Ayon sa kanyang ina natatakot daw ito na baka kunin ng nagbabantay sa kanila ang kanyang cellphone.

Pagkaraang makausap ang employer ni Roselyn nakakuha na siya ng ‘exit visa’ at tiket na lang ang kulang makakauwi na ng Pilipinas. Kwento ni Lilia ang ahensiya raw ni Roselyn ang humiling na sila na ang bumili ng tiket ni Roselyn para makauwi ng Pilipinas.

“Nag-ipon na kami ng pambili ng tiket para mapabilis ang pag-uwi niya pero ipinilit ng ahensiya niya na sila na raw ang bahala,” salaysay ni Lilia.

Agosto 13, 2014…matapos ng ilang oras na biyahe agad na dumiretso si Roselyn sa aming­ opisina. Mismong sa aming tanggapan sila nagkita ng kanyang asawa at anak.

Kwento sa amin ni Roselyn… sinisiko, sinisipa at sinasampal pa siya ng kanyang amo. Kapag nagkasakit ang kanyang mga alaga na siyam, anim at tatlong taong gulang ay sa kanya raw sinisisi. Dahilan nito hindi niya raw nababantayan ang mga anak ng maayos.

“Ginagawa ko naman ang lahat para hindi sila magkasakit. Dalawa kaming kasambahay dun pero yung isa taga luto lang talaga,” ayon kay Roselyn.

Sinasaktan din daw siya ng kanyang mga alaga. Sinusuntok, sinisipa at dinuduraan siya ng mga ito. Maliban sa pananakit sa kanya, kadalasan daw isang beses lang sila kumain at alas singko na ng hapon. Ayaw na ayaw daw nakikita ng amo nila na wala silang ginagawa.

“Hindi ako makaalis dun kasi iniisip ko kailangan uma­bot ako ng isang taon. Kung hindi pagbabayarin ako ng ahensiya ng mga ginastos nila sa akin,” salaysay ni Roselyn.  

Nagpaalam si Roselyn sa ahensiya na aalis na dahil hindi niya na kaya ang pakikitungo ng amo sa kanya. Nagkaharap-harap sila dun ng kanyang amo matapos niyang tumakas.

“Pinababalik nila ako sa employer ko. Kung ayaw ko raw ipapapulis nila ako,” ayon kay Roselyn.

Hindi tinantanan ng ahensiya si Roselyn. Ayon sa mga ito kailangan niyang bumalik sa amo niya para hindi na ito maningil.

Ilang ulit tumawag si Roselyn sa kanyang mga magulang dito sa Pilipinas dahil hindi niya na kaya ang ginagawa sa kanya ng mga alaga.

“Pinapatawag ko na din sila sa ahensiya kong Mariegold Int’l Manpower Services. Nangako naman daw silang tutulungan ako,” pahayag ni Roselyn.

Ilang ulit nang nagpa-follow up sina Lilia ngunit wala pa raw nangyayari sa inilalapit nilang problema.

“May nakilala akong kababayan dun na si Analee. Malapit na siyang makauwi kaya’t nakiusap ako na kung sakaling malaman niya kung sino ang tumulong sa kanya ilapit niya na rin ang problema ko,” salaysay ni Roselyn.

Nag-iwan si Roselyn ng numero kung saan makakausap ang kanyang ina.

“Maraming-maraming salamat po sa tulong ninyo. Hinding-hindi na ako babalik sa ibang bansa at dito na lang ako magtatrabaho,” wika ni Roselyn.

“Salamat po at napauwi ninyo ang aking anak. Kung ang ahensiya lang ang aasahan namin wala kaming hihin­tayin,” ayon kay Lilia.

Pagkauwi rin daw ni Roselyn ay tumawag ang ahensiya kay Lilia at hinihingian sila ng photocopy ng passport nito bilang patunay na nakauwi na ito sa Pilipinas.

Itinampok namin sa aming­ programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Roselyn­.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung may maganda kang pinagkakakitaan o konting diperensiya lamang sa iyong papasukan dito sa Pilipinas magtiyaga sapagkat kung sa ibang bansa hindi mo alam kung anong panganib ang iyong susuungin.  Kasama mo pa ang pamilya mo at nagagabayan mo ng maayos ang iyong mga anak.

Nais din naming magpasa­lamat kay Usec. Rafael Seguis at sa DFA sa aksiyon na ginawa nila para makauwi si Roselyn.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

AKO

KANYANG

KUNG

LILIA

NIYA

PILIPINAS

ROSELYN

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with