DMCI, sa korte na magpaliwanag
IGINIGIIT ng DMCI na nakatugon daw sila sa requirements ng hinihingi ng batas hinggil sa konstruksiyon ng Torre de Manila. Ang paliwanag ng DMCI ay sa gitna ng paghahain ng kaso para mapigilan ang konstruksiyon sa pamamagitan ng temporary restraining order.
Pero nasa korte na ang kaso at doon na dapat magpaliwanag ang DMCI at patunayan ang kanilang sinasabing nakatugon sa requirements.
At sana ay ipaliwanag din ng DMCI kung bakit noong una ay pitong palapag lang ang inaprubahan sa kanilang proyekto.
Bukod sa DMCI, dapat magpaliwanag din ang konseho ng Maynila kung bakit nila nirebisa ang naunang permit at naumpisahan ang konstruksiyon ng 49 na palapag na condominium building.
Umaasa naman ang lahat sa ilalabas na TRO sa proyekto habang iniimbestigahan ang konstruksiyon.
Mahalagang maimbestigahan at malaman lang ng publiko kung magkaroon ba talaga ng maniobra sa proyekto at ang posibleng pananagutan ng konseho ng Maynila.
Pero mahalagang magkaroon ng TRO hangga’t hindi nareresolba ang eskandalong ito.
Imbestigahan din ng Ombudsman ang mga lokal na opisyal ng Maynila upang mapanagot kung meron man.
Pero kung mapapatunayan na walang nangyaring sabwatan at pag-abuso sa pag-aapruba ng proyekto, dapat lang irespeto at ituloy na ang proyekto.
Pero umaasa ako na masasampolan ng korte ang DMCI para magsilbing babala sa mga negosyante.
- Latest