Global warming mawawala na?
MAWAWALA na ba ang tinatawag na global warming? Makakaligtas na ba rito ang mundo?
Isang itinuturing na magandang balita ang napaulat nitong linggong ito ang isang report ng isang scientific panel ng United Nations na nagsasaad na muling kumakapal at nakakabawi na ang Ozone layer na nagsisilbing depensa ng daigdig laban sa mapaminsalang ultraviolet rays ng araw o solar radiation na nagdudulot ng sakit na kanser at sumisira sa mga pananim at nagdudulot ng iba pang problema sa mundo tulad nga ng tinatawag na global warming.
Mula kasi noong 1970s, numinipis at nagkakaroon ng butas ang ozone layer na ito na ang sinisisi ay ang man-made na chlorofluorocarbons (CFC) na nagpapalabas ng chlorine at bromine na sumisira sa ozone molecules sa mataas na himpapawirin. Nang magpalabas ng alarma ang mga scientists, nagkaisa ang mga bansa sa buong mundo sa isang tratado noong 1987 na ihinto ang paggamit ng CFC na ang mga kemikal ay ginagamit sa mga refrigerants at aerosol can.
Sa kalkulasyon ng UN, kung hindi nagkaroon ng kasunduan ang mga bansa, magkakaroon ng ekstrang dalawang milyong kaso ng skin cancer taun-taon sa buong mundo pagsapit ng 2030. Pero kakatwa na, ayon sa report, tumutulong sa muling pagbuo ng ozone layer ang mga greenhouse gases na nagkukulong ng mga init na itinuturing na pangunahing sanhi ng global warming. Ang tumataas na lebel ng carbon dioxide at iba pang gas ay nagpapalamig sa upper stratosphere at ang mas malamig na hangin ay nagpapakapal sa ozone. Sinasabi naman ng ilang scientist na nakaaambag sa global warming ang mga kemikal na ipinalit sa CFC.
Ibig sabihin, hindi lang itong mga kemikal sa CFC ang nagiging sanhi ng global warming. Meron pang iba. Ang ikinagagalak lang daw ng mga scientist, kung nagkakaisa at kumikilos ang lahat ng mga bansa, mapapangalagaan ang kapaligiran at ang buong mundo. Ipinahihiwatig lang sa report ng UN panel na nakaambag ang naging hakbang ng mga bansa mula noong 1987 para mapigilan ang tuluyang pagkasira ng ozone layer. Sana nga, tuluy-tuloy na ito.
- Latest