Manong Wen (49)
“T ITINGNAN ko kung mapapadalas ang pagpunta ko rito, Princess. Basta darating na lamang ako,” sabi ni Jo nang magpaalam para lumuwas ng Maynila.
“Mas masarap po at sariwa ang hangin dito. Okey lang naman pong matulog ka rito sa bahay namin. Wala namang masama dahil kaibigan ka ni Tatay.’’
Napangiti lang si Jo.
“Mas napapanatag po ang kalooban namin ni Precious kapag narito ka Mang Jo. Para pong mayroon kaming tagapagtanggol.’’
“Sige at sisikapin kong makadalaw nang madalas dito.’’
“Sige po. Pero sana huwag mo kaming biglain sa pagdating mo at baka wala man lang akong maipakain. Sana alam ko kung kailan ka darating.’’
“Teka, may cell phone ka ba?”
“Naku wala po. Mula po noong namatay si Tatay ay hindi na ako nag-cell phone. Para po walang gastos.’’
“Ganun ba? Teka…” may dinukot sa bag niya si Jo. Cell phone. Bago pa ang cell phone. “Eto sa’yo na ito. Iti-text kita kapag uuwi ako para hindi ka nabibigla. Bago pa ang cell phone na ’yan.’’
“Naku salamat, Mang Jo. Nun ko pa sana gustong magka-cell phone pero wala namang pambili. Salamat po uli.’’
“No problem. Sige, aalis na ako. Mag-ingat kayong magkapatid. Pagbutihin ang pag-aaral.’’
“Opo. Pinagbubuti po namin ang pag-aaral.’’
“Mag-ingat ka rin habang nagtitinda ng bibingka. Kung napapagod ka na sa pagtitinda, puwede mo nang iwanan yan at mag-concentrate na lamang sa pag-aaral.’’
“Naku hindi po. Kayang-kaya ko po ang pagtitinda ng bibingka. Sanay na po ako, Mang Jo.’’
“Sige kung yan ang pasya mo. Aalis na ako, Princess.’’
“Ingat po.”
Umalis na si Jo. Habang papalayo ay tinatanaw siya ni Princess. Nang hindi na matanaw ay isinara na nito ang pinto. Hawak niya ang cell phone na ibinigay ni Mang Jo. Napakabait talaga ni Mang Jo.
KINABUKASAN, maagang nagluto ng bibingka si Princess. Nang makapagluto ay agad nang dinala sa kanyang mga suki. Kailangang madispatsa ang mga bibingka dahil mamayang hapon ay may klase siya.
Mabilis niyang naibenta ang mga bibingka. Pinakyaw ng isang customer niya. Ubos lahat.
Naglalakad na siya pauwi nang may tumawag sa kanya.
“Princess!”
(Itutuloy)
- Latest