EDITORYAL - Saan pa kukuha nang matinong pulis?
M AY nagmumungkahing buwagin na ang Philippine National Police (PNP) at palitan nang isang bago at matinong organisasyon. Baguhin ang pangalan nito at nang makatakas sa kahihiyang dinulot ng mga miyembro. Pero may alinlangan din naman agad sa mungkahi sapagkat baka maging bulok din sa kinalaunan ang ipapalit na organisasyon. Baka sa una lang maging mabuti at tapat ang ipapalit sa PNP pero paglipas ng panahon ay magiging mabaho rin.
May nagmungkahing isapribado ang PNP. Kapag daw naging pribado, mababawasan na ang pangongotong, panghuhulidap at panghuhulinap sapagkat maaaring mapatakbo nang maayos dahil pribadong kompanya ang may hawak. Hindi na makagagawa ng kabuhungan at mga kabalbalan sapagkat masisibak agad siya. Dahil pribado, maayos ang suweldo at may benipisyo kaya magagampanan ang tungkulin.
Maganda ang mungkahing ito at maaaring pag-aralan. Baka dito na maibangon ang nasirang imahe ng PNP. Kung magiging pribado, masasala o mapipiling mabuti ang mga pulis. Mga disiplinado at may pagmamahal sa trabaho kaya walang maliligaw ng landas.
Masyado nang bumaba ang pagtingin sa mga pulis. Bagsak na bagsak na. Makita lamang ang asul na uniporme ay iba ang naiisip. Kinatatakutan sapagkat sa halip na magtanggol at magprotekta, sila ang “huhulinap” (huli at kidnap) at saka nanakawan ng pera.
Siyam na pulis ang sangkot sa nangyaring “hulinap” sa EDSA, Mandaluyong kung saan hinarang nila ang sasakyan ng dalawang negosyante. Dinala nila sa La Loma Station 1 at doon ninakawan. Kung hindi nakunan ng picture at ini-upload sa social media, tiyak na hindi mabibisto ang kabuhungan ng mga pulis. Tatlo na ang nakakulong at hinahanap na ang iba pa.
Kahapon, may mga pulis na nang-rape ng estudyante. Kamakalawa, may mag-asawang nagreklamo na sila’y “hinulidap” ng tatlong pulis mula sa MPD.
Naghahatid na ng takot ang mga pulis sa kasalukuyan. Saan pa ba kukuha nang matitinong alagad ng batas?
- Latest