Bayan sa Australia, nasa ilalim ng lupa
DAHIL sa matinding init at sa mga kalamidad na palaging tumatama dito, inilipat ng mga mamamayan ng Coober Pedy ang kanilang mga kabahayan sa ilalim ng lupa upang makaiwas sa anumang sakuna.
Itinayo ang nasabing bayan noong 1915 ng mga minerong nagmimina ng opal sa lugar. Dahil sa init na karaniwang lumalampas ng 43 antas ng sentigrado at sa mga sunud-sunod na sandstorm na tumatama sa kanilang mga bahay, unti-unting naghukay ang mga residenteng minero ng mga espasyo sa ilalim ng lupa kung saan puwede silang manirahan ng ligtas mula sa malupit na klima ng Coober Pedy.
Sa kasalukuyan, nasa 1,500 ang bilang ng mga bahay na nasa ilalim ng lupa sa Coober Pedy at katulad ng isang pangkaraniwang bayan ay kumpleto rin ito sa mga establisimentong katulad ng mga kainan, shopping centers, at pati simbahan.
Mag-iisandaang taon na simula ng ito ay itinayo ngunit marami pa rin ang nakatira sa Coober Pedy at halos lahat ng 1,695 na residente nito ay naninirahan pa rin sa ilalim ng lupa. Kaya kung balak ng isang turista na dalawin ang Coober Pedy, kailangan niyang pumunta sa ilalim nito dahil wala silang madadatnan sa ibabaw nito kundi mga bakanteng lote.
- Latest