Sana, plunder at hindi impeachment kay VP Binay
USAP-USAPAN ang posibleng impeachment laban kay Vice President Jejomar Binay dahil sa umano’y overpriced na Makati parking building.
Ang impeachment ay lumutang matapos hamunin ni Sen. Nancy Binay ang kritiko ng kanilang pamilya na itigil na ang imbestigasyon ng Senado at sa halip ay sampahan na lang ng kasong impeachment ang kanyang ama.
Pero marami na ang umaayaw sa paghahain ng impeachment dahil pag-aaksaya lang ng panahon para sa Kongreso.
Totoong walang saysay ang impeachment dahil malapit na ang eleksiyon. Sakaling mapatalsik si VP, baka magamit pa niya itong rason para manalo sa 2016 elections. Aakalain na napagkaisahan lang siya.
Bukod dito, ang proseso ng impeachment ay number’s game o paramihan ng boto at hindi sa bigat ng paratang. Malabong magtagumpay ito dahil tiyak na maraming kongresista ang sisipsip kay VP para maibasura ang nasabing kaso.
Ang pinaka-mainam ay ipursige ang kasong plunder. Kung talagang may sapat at matibay na ebidensiya ay maipakulong si VP at iba pang sangkot ito upang panagutan ang pagkakasala sa batas.
Kung talagang may ebidensiya na overpriced ang Makati parking building, maisampa sana ang kaso sa Sandiganbayan upang makapaglabas ng warrant of arrest at maipakulong.
Pero habang may nakahain ng plunder sa Ombudsman, wala namang masama kung magpatuloy ang pagdinig ng Senate blue ribbon sub-committee upang mapatunayan kung may overpriced at may kumita sa nasabing gusali sa Makati.
Anuman ang matutuklasan sa Senate inquiry ay maaring ipandagdag ito sa paghahain ng mas mabigat na kasong plunder at maidagdag ito sa kasaysayan ng bansa na mayroon ding nakulong na VP bukod pa sa President at senators.
Hindi katanggap tanggap ang sagot ng kampo ni VP na pulitika lang ang imbestigasyon ng Senado at naglalayong siraan ito dahil nangunguna sa mga survey para maging presidente.
Para matapos na ang isyu, sagutin ang mga akusasyon. Maglabas ng mga ebidensiya na walang anomalya sa Makati parking building. Kung ito ay magagawa ni VP, kahiya-hiya ang mga senador na nagdidiin sa kanya na sina senators Allan Peter Cayetano at Antonio Trillanes.
- Latest