Larawan ng mga sikat na tao, inuukit ng barbero sa buhok ng mga nagpapagupit
ISANG barbero mula San Antonio, Texas ang sumisikat ngayon dahil sa kakaibang kakayahan na makagawa ng mga imahe ng mga sikat na perso-nalidad mula sa buhok ng mga nagpapagupit sa kanya.
Marami ang humahanga kay Rob Ferrel dahil kaya niyang iukit sa buhok ng kanyang mga customer ang imahe ng mga sikat na manlalaro ng NBA na sina Lebron James at Tim Duncan at ganundin naman ang namayapang si Steve Jobs ng Apple Inc.
Kaya naman pinipilahan na ngayon si Rob Ferrel ng mga taong gustong magpalagay ng imahe ng mga cele-brity sa kanilang mga buhok. Kadalasang mga die-hard na fans ang nagpapagupit sa barberya ni Rob upang ipakita nila ang paghanga sa kanilang mga iniidolo.
Walang kakaibang gamit si Rob para makaukit ng imahe sa buhok. Pangkaraniwang gunting at suklay lang ang ginagamit niya para makaukit ng mga imaheng nire-request sa kanya ng customers. Karaniwang umaabot ng 30 hanggang 45 minuto ang paggawa niya sa kanyang mga “obra”.
Noong 2006 lamang nagsimula si Rob na mag-ukit ng mga imahe sa buhok ngunit sa loob ng walong taon ay eksperto na siya sa paggaya ng itsura ng mga sikat na personalidad. Noong una ay kailangan pa ng kanyang mga customer na magdala ng litrato ng celebrity na gusto nilang iukit sa kanilang buhok ngunit ngayon ay kabisadong-kabisado na niya ang imahe sa isang tingin lang. Kayang-kaya niyang gayahin.
Malakas ang kita ni Rob tuwing may mga malalaking pangyayari sa sports katulad ng NBA championships at ng katatapos lang na World Cup. Dinadagsa siya ng fans na gustong magpalagay ng imahe ng kanilang iniidolong atleta sa kanilang mga buhok.
- Latest