Ang Pinoy na Barbero sa New York
LIBRENG gupit para sa mga ‘homeless’ ang iniaalok ni Mark Bustos, edad 30, barbero, tuwing Linggo sa mahabang kalye ng New York City. Siya mismo ang naglalakad at naghahanap ng mga homeless na gustong magpagupit. Kung saan nakapuwesto ang homeless ay doon na sila naggugupitan ng buhok, kasama pati ang pag-ahit sa balbas at bigote. Oo, pati babae ay ginugupitan din niya.
Ang motto niya na “Be awesome to somebody” ang nagtulak sa kanya para gawin ang kabutihang ito gamit ang kanyang talento bilang maggugupit ng buhok. Nagtatrabaho siya sa Three Squares Studio, isang mamahaling hair salon sa New York City. Kaya sosyal din ang tawag sa kanya doon – hairstylist. Kung naka-duty siya sa salon, sumisingil siya ng $150 o higit pa per gupit. Pero kapag day off, libre ang paggupit niya sa mga kawawang homeless.
Ang isa pang dahilan kung bakit nagkakawanggawa siya ay upang maengganyo ang ibang tao na gayahin ang ginagawa niyang pagtulong sa mga homeless. Naniniwala siyang nakakahawa ang paggawa ng kabutihan. Minsang umuwi sila sa Pilipinas upang dalawin ang mga kamag-anak, nagbigay siya ng libreng gupit sa mga batang kababayan niya. Tapos, bigla niyang naisip, bakit hindi ko gawin ang pagbibigay ng libreng gupit sa mga homeless pagbalik ko sa New York?
Maaaring hindi pangmatagalan ang ibinibigay niyang libreng gupit pero kahit paano ay may epekto ito sa ibang homeless: Bumabalik ang tiwala sa kanilang sarili matapos silang gupitan ni Mark.
That best portion of a good man’s life; his little, nameless, unremembered acts of kindness and love.
—William Wordsworth
- Latest