^

Punto Mo

‘Mga lalagyan ng pork barrel’

- Tony Calvento - Pang-masa

USO ngayon ang pagtatalakay at pagbabatikos sa PDAF o pork barrel. Ang usapang ito’y may hawig tungkol dun subalit ito’y usapang longganisa o pork barrel sa Ingles.

“Wala kaming malinaw na usapan dahil talagang hindi ko na kayang sumagot sa mga text niya. Manganganak na ako. Pinagkatiwalaan ko siya at kukunin ko pa dapat bilang consultant sa negosyo namin,” wika ni Myra. Matapos manganak ni Myra Rose Desuyo, 33-taong gulang nalaman niyang hindi nag-iwan ng tseke si Goody Belvis para sa bayad nito sa kinuhang ‘hog casing’ o yung pambalot ng longganisa. Limampung libong piso lang ang ibinayad nito. Sinubukan niya itong kontakin ngunit hindi ito sumasagot sa kanyang mga tawag at text. “Wala pa si kumander baka sa Lunes ko na dalhin diyan,” sagot nito makalipas ang dalawang oras. Bawat araw na nagdadaan unti-unti na ring nawawala ang komunikasyon nila ni Goody. Naisip ni Myra na kung hindi niya ito kukulitin baka tuluyan na ring maglaho ang ipinangpuhunan sa produktong kinuha nito. Sa isang pagbabalik-tanaw, nagkakilala sila ni Goody sa isang kaibigan na kasama niya rin sa negosyong trading.

“Ang una naming produkto ay ang Texture Vegetable Protein (TVP) o yung extender ng longganisa. Nagsimula sa singkwenta hanggang Php65,000 ang kinukuha niya. Walang paunang bayad yun pero nag-i-issue siya ng Post Dated Cheque (PDC),” wika ni Myra. Bawat kuha nito ay pinapipirma niya ng delivery receipt at receiving copy. Nang magkaroon na sila ng hog casing agad niyang tinawagan si Goody upang ipaalam dito may produkto na silang hinahanap nito. “Una siyang kumuha ng hog casing sa akin nung ika-14 ng Hulyo 2014. Nag-iwan siya ng PDC nun. Kinabukasan idineliver namin sa kanya,” salaysay ni Myra. Isang dated cheque na nagkakahalaga ng Php61,000 at isang PDC na Php210,000 ang ibinigay ni Goody sa kanya. Nakuha naman agad ni Myra ang Php61,000. Hinintay niya na lang dumating ang petsa na nakalagay sa tseke sa PDC para maipasok ito sa bangko. “Yung Php61,000 ang nakalagay na nag-issue nun sa tseke ay Annalyn Pacis. Asawa niya daw. Yung address din na ibinigay niya bahay daw nila yun,” pahayag ni Myra. Ilang araw ang nakalipas nagsabi si Goody na kukuha ulit siya ng produkto. Inisip niyang baka kapag nagbigay siya ay makabayad na ito sa kulang nito. Pinaalalahanan pa ni Myra si Goody na cash ang bayaran at Dated Cheques ang kailangan niyang ibigay.

Ika-18 ng Hulyo 2014 kinukuha ni Goody ang produkto kay Myra. Kahit nasa ospital na dahil malapit na siyang ma­nganak nagrereply pa din siya sa mga text ni Goody. Gusto niyang maging malinaw muna ang kanilang proseso ng pagbabayad bago siya maglabas ng produkto. “Pinipilit ko siya na magpaunang bayad ng isang daang libong piso at dapat ang ibibigay niya ang dated cheques lahat,” wika ni Myra. Nang magkasundo sila sa bayaran sinabihan siya ni Goody na may kondisyon din daw ang kanyang kliyente at kinukuha na ang produkto. May makukuha daw siyang tseke kinabukasan kaya’t limampung libong piso lang ang kaya niya.

“Pumayag na ako sa ganung kalakaran. Hindi pa namin napag-uusapan kung kailan niya kukunin ang produkto,” pahayag ni Myra. Matapos niyang manganak dun na niya nalaman na kinuha na ni Goody ang produkto sa bahay nila. Limampung libong piso ang iniwan nitong paunang bayad ngunit hindi natupad ang dated cheques na ipinangako. Lagi niyang tinetext si Goody na pay to cash lahat. Nangako naman ang huli na dadalhin niya kinabukasan ang tseke. “Walang patid ang text at tawag ko sa kanya. Walang sagot akong natatanggap,” ayon kay Myra. Pagdating ng petsa sa tseke dinala niya ito sa bangko. Makalipas ang dalawang araw, ika-25 ng Hulyo 2014 nalaman niyang tumalbog ang tseke. Drawn Against Insufficient Funds (DAIF). Mula nun hindi na makontak ni Myra si Goody. Nais niyang makuha ang pera dito na umaabot ng Php456,000.

Ilang araw matapos naming maitampok si Myra sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) nagtext sa kanya si Goody.

“Nagkaroon daw sila ng problemang pinansiyal na mag-asawa. Nakiusap siya na huhulug-hulugan niya na lang ang kulang niya hanggang Disyembre,” wika ni Myra. Ayaw magtiwala ni Myra sa mga salita ni Goody dahil iniisip niya na pwede itong mangako ngunit hindi naman tutuparin. Ayon pa daw kay Goody tuwing ikatlong linggo ng buwan siya magbabayad. Pinilit ni Myra na magkita sila para pumirma ng isang kasunduan ngunit sabi ni Goody nasa Cebu daw siya kaya hindi niya ito magagawa.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag amin ding kinapanayam sa radyo si Goody. Nangako siyang magbabayad kay Myra. Nagipit lang daw sila ng kanyang asawa kaya’t hindi nila nabayaran kaagad ang kinuhang produkto. Humingi din siya ng pang-unawa kay Myra na huhulug-hulugan niya na lang ang kanyang kulang. Alam daw ni Myra na kukunin na niya ang produkto at nakausap pa niya ang mister nito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang mga pa­ngako madaling bitiwan ngunit dapat ito’y matupad para tayo’y pagkatiwalaan, natutupad. Kung maniniwala ka Myra sa mga sasabihin ni Goody tatagal pa ang paniningil mo sa kanya. Mas maganda kung may kaso nang nakasampa diyan para mapilitan siyang magbayad sa ‘yo. Dumating sa puntong siya’y pinagkakatiwalaang niyo at nakakalabas-masok siya sa bahay ninyo kaya’t ito ang mga elemento na hinahanap sa kasong ‘Qualified Theft’. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari ka­yong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari rin po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

DAW

GOODY

HULYO

MYRA

NIYA

PRODUKTO

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with