Iraqi painter, tunaw na ice cream ang gamit sa pagpipinta
SI Othman Toma ay isang painter mula sa Baghdad, Iraq at nakikilala siya ngayon dahil sa paggamit ng kakaibang medium para sa kanyang pagpipinta --- ang tunaw na ice cream!
Kakaiba ang ginamit ni Othman na sa halip na pintura, tunaw na ice cream ang ginagamit upang makapagguhit. Marami nang natapos na mga obra si Othman mula sa mga natunaw na ice cream at para sa isang hindi sanay tumingin sa mga painting, hindi mapapansin na gawa ang mga larawan mula sa ice cream.
Ayon kay Othman, hindi mahirap gamitin ang tunaw na ice cream sa pagguhit. Sanay umano siyang gumamit ng watercolor sa pagpipinta at ayon sa kanya ay hindi nalalayo ang paggamit ng tunaw na ice cream dito.
Para magawa ang kanyang mga painting, hinihintay ni Othman na matunaw ang ice cream na gagamitin. Kapag tunaw na ang ice cream ay saka niya sisimulan ang pagpinta. Kapag natapos ang mga iginuhit, kukunan niya ito ng litrato kasama ang klase ng ice cream na kanyang ginamit.
Ayon kay Othman, naisip niyang gumamit ng mga tunaw na ice cream sa kanyang pagpipinta upang ipakita sa lahat na maa-ring gamitin sa paggawa ng sining ang kahit anong bagay. Ayon pa sa kanya, mahalaga pagdating sa sining ay ang pagkakaroon ng isang malikhaing kaisipan.
- Latest