Ang kanser
MARAMING klase ng malulungkot na damdamin ang gumagapang sa ating puso kapag nababalitaan natin na isang mahal natin sa buhay, kaibigan, kaeskuwela, kasamahan sa trabaho, kakilala, kabarkada o ibang malapit sa ating buhay ay dinapuan ng sakit na kanser. Marami sa atin ang nabibigla at nakakadama ng kawalang-pag-asa dahil batid natin kung ano ang kanser. Isa itong sakit na ilang siglo ng pumapatay nang maraming tao sa mundo pero wala pang masasabing perpektong gamot laban dito. Karaniwan na ngang natataningan ang buhay ng isang tao kapag natutuklasang meron na siyang kanser.
Nagsulputan na ang internet, computer, tablet, iPad, at iba pang natutuklasang mga makabagong bagay o idea at pinaplano na ng sangkatauhan na magtungo at magtayo ng kanyang kolonya sa planetang Mars pero hindi pa rin natutuklasan ng siyensiya ang perpektong lunas sa kanser. Meron namang mga pansamantalang remedyo tulad ng chemotherapy o radiation o operasyon na nakakatulong kahit paano para mapalawig ang buhay ng taong may kanser. Kaso, bumabalik pa rin kadalasan ang sakit pagkaraan ng mahabang panahon. Mapalad nga ang mga dating may kanser na nawalang tuluyan na ang kanilang sakit makaraang magamot. Totoo kaya iyong napapaulat na lalo lang umanong pinapadami at pinapalubha ng chemotherapy ang mga selula ng kanser sa katawan ng isang tao? Pinapalubha lang umano ng ganitong medical procedure ang sakit. Sana hindi totoo. Kung totoo man, sana hindi na lang ito ipinapahintulot ng medisina.
May mga tao rin na namamana ang sakit mula sa kanyang mga magulang o mga ninuno na dinapuan din ng kanser. Nasa kanilang lahi na ang ganitong karamdaman.
Isa sa inaasahan at kinakikitaan ng mga scientist at iba pang health expert ng potensiyal at mas mabisang panlunas laban sa kanser ang stem cell. Nasa antas pa rin ng mga eksperimento sa kasalukuyan ang stem cell na ito na marami rin namang klase. Nagkalat man sa paligid natin ang tinatawag na stem cell clinic, wala pa rin sa kanila ang totoo at tamang sagot laban sa kanser. Ilang taon na ang nakakaraan nang maging kontrobersiyal ang tinatawag na embryonic stem cell pero maraming sektor sa mundo tumutol dito dahil sa usapin ng moralidad kaya ibinabaling na lang ng mga mananaliksik at dalubhasa ang kanilang pananaliksik sa ibang klase ng stem cell. Kung kailan matutuklasan ang tama at katanggap-tanggap na paggamit ng stem cell laban sa kanser, panahon na lang ang makakapagsabi. Sana nga, malapit na.
- Latest