EDITORYAL - Problema ang illegal na droga
KAMAKAILAN, isang Chinese drug trafficker ang nahulihan ng high grade shabu sa Quezon City at sa galit ni Mayor Herbert Bautista, nasampal ito. Noong Lunes, nakakumpiska na naman ng shabu sa QC na nagkakahalaga ng P75 milyon.
Mabigat ang problema sa illegal drugs sa kasalukuyan. Namamayagpag ang sindikato. Sa nangyayaring ito nararapat na paigtingin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagsisikap para wakasan ang mga salot na sindikato. Suportahan naman sila ng pamahalaan sa pamamagitan nang pagbubuhos ng pondo nang maging moderno ang kagamitan. Ang pagkakaroon ng mga drug testing at examination facilities sa maraming lugar sa bansa ay malaki ang maitutulong para mapabilis ang pag-prosecute sa mga salot sa lipunan.
Marami na ngayong addict sa shabu at gumagawa ng karumal-dumal. Noong nakaraang linggo, ginahasa at pinatay ang isang 25-ayos na dalaga sa Calumpit, Bulacan. Mga addict na jeepney driver ang gumahasa sa kanya. Sumakay ang babae sa jeepney pero sa halip na mamasada sa ruta, dinala sa liblib ang dalaga at ginahasa at saka walang awang pinatay. Inamin ng mga suspect na naka-shabu sila.
Pati mga menor-de-edad ay naaadik na rin sa shabu. Noong nakaraang taon, isang 7-taong gulang na batang babae ang ginahasa at pinatay sa San Dionisio, Parañaque. Ayon sa mga suspek, kinidnap nila ang bata na noon ay nasa harap ng sari-sari store at dinala sa isang lugar at doon ginahasa. Nilunod nila ang bata hanggang sa mamatay. Inamin ng mga suspect na nag-shabu sila.
Marami pang malalagim na krimen na nangyari dahil sa pagkasugapa sa shabu. At walang ibang dapat sisihin sa pangyayari kundi ang mga “salot” na drug traffickers. Hindi sila tumitigil sa operasyon at nagpapalakas pa. Marami silang pera para mapalaganap ang illegal na droga.
Naniniwala kami na mahalaga ang tulong ng mga pinuno ng barangay para madaling makilala ang drug traffickers. Sila ang nakaaalam ng mga tao na bagong salta sa barangay. Kung may political will ang mga pinuno ng barangay madaling makilala ang mga tulak ng droga. Makipagtulungan ang barangay sa PDEA.
- Latest