Ang Pedicab Driver
SI Bai Fangli ay nabubuhay bilang pedicab driver sa Tianjin, isang siyudad sa China. Nang sumapit siya sa edad na 74 noong 1987, nagpasya siyang tumigil sa paghahanapbuhay, iwan ang lungsod ng Tianjin at magpahinga na lang sa kanyang bayang sinilangan sa Changxia County, Hebei Province. Ngunit pagdating sa probinsiya, halos ikatunaw ng puso ni Bai ang senaryong nadatnan niya: Hindi nag-aaral ang halos lahat nang mga bata at sa halip ay pinagtatrabaho na lang ng kanilang magulang sa bukid. Ayon sa mga magulang, wala silang ipapampaaral sa kanilang mga anak kaya pinagtatrabaho na lang nila sa bukid.
Kinabukasan, hindi pa tumitilaok ang manok ay makikitang sumasakay sa bus si Bai pabalik sa Tianjin. Nagpasya siyang ipagpaliban ang pagpapahinga at ituloy ang pagmamaneho ng pedicab. Maghahanapbuhay siya para sa batang kababayan niya. Siya ang magpapaaral sa mga ito.
Ginagawa niya ang lahat ng klase ng pagtitipid mula sa kanyang pagkain at damit na isinusuot sa pang-araw-araw. Nagtatrabaho siya mula sa umaga hanggang 11 ng gabi. Bukod sa kinikita sa kanyang pagmamaneho, isinasama rin niya sa pagtulong ang kanyang pensiyon. Ang mga anak niya ay may kanya-kanya nang buhay. Lagi siyang pinagsasabihan na magpahinga na. Ngunit matigas ang ulo ng kanilang ama. Kung minsan ay nagagalit pa sa kanila ang ama kapag kinukuwestiyon nila ang pagpapakahirap sa hindi niya kaano-anu.
Noong 2001, nagpasya si Bai na tumigil na sa pagmamaneho ng pedicab. Inamin niyang hindi na niya kayang magtrabaho. Idineliber niya sa school ang kahuli-hulihang tuition para sa mga bata. Noon ay 88 years old na siya. Sa kabuuan, umabot ng 350,000 yuan ang kanyang naibayad na tuition para sa 300 estudyante. Lahat ay lumuha nang pumanaw si Bai noong 2005.
- Latest