8 Pagkaing Nagpapaalala ng Aking Kabataan (Last Part)
Titi Baboy
Kasinglaki at kasinghaba ng regular na hintuturo ng adult pero korteng titi ng baboy. Malutong ang titi baboy. Minsan, isinasawsaw sa mainit na kape ng matatandang wala nang ngipen. Binibili ko lang ito kapag gusto kong magmiryenda pero kakaunti lang ang pera ko. Palibhasa ay paminsan-minsan lang ako bumibili, hindi ko matandaan ang presyo per pack.
Bistek na Karneng Kalabaw
Nabubundat ako sa kabusugan kapag ito ang ulam namin. Ang isa pang masarap na luto sa kalabaw ay ribs na inadobo sa gata at hinaluan ng berdeng papaya. Sa aming bayan, “alien” ang karneng baka. Walang baka sa amin at sa halip ay nagkalat ang kalabaw. At take note, mas mura ang cara-beef kaysa pork. Nakakatikim lang kami ng baka kapag may dumadayong naglalako ng beef mula sa Tiaong at Lucban, Quezon. Palibhasa ay sanay ang aming panlasa sa cara-beef, napapansin namin na maanggo ang beef. Noong bata pa ang aking ama, ang hanapbuhay daw ng kanyang ama ay nagtitinda ng “smoked” pata ng kalabaw. Ibinebenta ito sa mga bulaluhan at lugawan sa mga karatig-bayan.
Tikoy sa Kawayan
Sa kawayan kasi niluluto kaya tikoy sa kawayan. Ito ay pinaghalu-halong giniling na malagkit, condense milk, butter, itlog, asukal. Ilalagay sa kawayan ang mixture at pakukuluan sa tubig na nasa malaking basyo ng lata ng vegetable oil. Kapag kumpleto sa ingredients, ang lasa nito ay parang yemang tikoy or tikoy na yema.
- Latest