Bakit may ayaw ng gulay?
NAGTATAKA ako kung bakit may mga taong hindi talaga kumakain ng kahit anong gulay. Nagsaliksik ako ukol dito at bilang paghahanda na rin sa paglaki ni Gummy ay maging pihikan siya sa mga gulay.
Mayroong limang panlasa: matamis, maalat, malasa, maasim at mapakla. Ang matamis at maalat ang pinakakaraniwan. Ang malasa, well ay ang katumbas ng masarap. May mga taong mahilig sa matatamis ngunit kadalasan ay sa anyo ng may kasamang tamis. Maraming tao na ayaw sa mapakla, at ang rason ay dahil ang pakla ay kinagisnang senyas ng lason. Ang mga gulay, bagamat masustansiya ay may taglay na pakla. Ito ay mula sa mababang lebel ng toxins na ginagawa ng halaman upang hindi ito kainin ng mga hayop at insekto. Gayundin, pantakip ng halaman upang isipin ng mga hayop na nakalalason sila.
Dahil mas sensitibo ang panlasa ng mga bata kaysa matatanda, madali nilang nalalasahan ang pakla sa mga gulay. Ito ay para maprotektahan ang sensitibong panunaw ng mga bata.
Paano maiibsan ang pakla upang mapakain ng gulay ang ating mga anak.
1. Samahan ng pampaalat ang gulay o kaya asukal at syrup upang tumamis ng kaunti.
2. I-marinate. Katulad ng ampalaya, kapag binababad sa tubig na may asin ay nababawasan ang pakla. Ganoon din sa talong at broccoli. Ang suka ay mainam ding pambabad.
3. I-roast. Sa ganitong paraan ng pagluluto ay lumalabas ang natural na asukal at carbohydrates ng gulay upang ito ay mag-caramelize, kaya tumatamis ang lasa. Ilang halimbawa ng masarap na i-roast ay ang kamote, carrots at singkamas. Ganoon din ang kamatis at red bell pepper. Iwasan ding ma-overcook ang gulay tulad ng broccoli, cauliflower, repolyo, etc. dahil pumapakla lalo at pumapangit ang lasa kapag nasosobrahan ng apoy. Ang pagpapakulo ang isa sa pinakamainam na pamamaraan.
4. Gumamit ng sauce at dressing para matakpan ang pakla ng gulay. Kaya kahit may mapaklang gulay sa salad, naitatago ito dahil sa dressing.
5. Ikubli o itago ang gulay sa ibang pagkain. Tadtarin nang maliliit na halos hindi makilala at ihalo nang maigi para hindi malasahan at mapansin ng bata. Makukuha pa rin nila ang sustansiya kahit hindi nila alam na kinakain na pala nila ang ayaw nila.
- Latest