‘Nakikisakay lang, nalaglag pa’
MARAMING paraan para kumita nang mabilis, maraming maniobra ang ginagawa para makinabang na laway lang ang puhunan. Minsa’y tumatama minsan naman nagmimintis. Kapag nangyari ito maiiwan sa ‘yo na hawak ang bola at may dagdag na kaso pa.
“Para mapautang siya lumapit ako sa tiyahin ko. Wala din siyang pera nun pero isinanla niya ang alahas niya,” kwento ni Rowena.
Gamit ang pera ng iba, naghahanap siya ng mga kostumer na ma-ngungutang. Ineenganyo niyang kikita ang pera nila ngunit ang katotoha-nan ay maging siya kikita din sa ganitong kalakaran. Hindi pare-pareho ang kinikita ni Rowena Sedeño, 39 na taong gulang. Sa anim na porsiyentong interes, 2% ang kikitain niya. Kwento ni Rowena marami na raw nagtitiwala sa kanya sa ganitong taktika para kumita.
“Ako ang humaharap sa mga taong pwedeng mahiraman ng pera. Sinasabi ko sa kanila na para kumita ang pera nila. Nakilala ko mula sa isang kaibigan si Catalina Regua,” kwento ni Rowena.
Maganda daw kung magbayad ang kaibigan niyang si Japorms kaya naman agad niyang pinagkatiwalaan si Catalina. Una itong nanghiram sa kaniya nang maospital ito noong Marso 1, 2013 ng Php21,000. Maayos naman daw nitong nabayaran ito. Naging malapit daw sila sa isa’t-isa at naging magkatext tungkol sa mga kailangan nito. May nabanggit si Catalina sa kanyang negosyo at may ipinakita pa daw na dokumento. Humiram ito sa kanya ng Php50,000 na gagamitin pambili ng payong. Para kumita agad na naghanap ng magluluwal ng pera si Rowena.
“Minsan bigla na lang may magdadala ng pagkain sa bahay galing sa kanya. Binigyan niya din ako ng payong at sinabing huwag ko na daw bayaran,” pahayag ni Rowena. Maging ang mga kaibigan daw ni Catalina ay dinadala kay Rowena kapag nangangailangan ng pera.
“Nasundan pa yung hiniram niya. Supplier daw kasi siya ng mga bakery. May kliyente daw itong hapon na kumukuha ng honey, harina at soya,” sabi ni Rowena.
Para mapahiram ng pera si Catalina lumapit si Rowena sa kanyang tiyahin. Wala man daw itong pera naengganyo niya itong kikita kayat isinanla nito ang mga alahas. Lumapit din siya sa mga kaibigan ng mister para mangutang. Nangako pa daw sa kanya si Catalina na ibibigay sa kanya ang Hapon na kliyente para kumita ang kanyang tiyahin.
“Tinutulungan niya din akong magtinda ng mga produkto ko. Hinintay namin ang sinabi niyang pagtu-turn over sa hapon pero hindi ito nangyari,” salaysay ni Rowena.
Agosto ng taong 2013 nagsimulang mangutang si Catalina at usapan nila kailangan itong maibalik pagdating ng Enero 2014 ngunit hindi ito natupad.
“Kada buwan ako ang nagbabayad ng sampung libo dahil ako ang humarap sa kanila. Nitong huli sa text na lang kami nag-uusap,” wika ni Rowena. Pangako sa kanya ni Catalina babayaran daw siya kapag naibenta na nito ang pag-aaring apartment. Ika-8 ng Abril 2014 tumigil nang makipag-usap sa kanya si Catalina kaya nagreklamo na si Rowena sa barangay.
“Nung una hindi siya dumalo sa patawag. Pangalawa hindi daw niya itinatanggi ang utang niya. Inaantay lang daw mabayaran ang property,” pahayag ni Rowena. May mga tseke ding hawak si Rowena na ibinigay ni Catalina ngunit tumalbog ang mga ito. Drawn Against Insufficient Funds (DAIF). Labing walong tseke lahat ang tumalbog. “Nung nangangailangan siya para akong superwoman na naghahanap ng mapagkukunan ngayong nasa bingit ako iniwan niya ako,” wika ni Rowena.
BILANG TULONG ini-refer namin si Rowena sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) kay Atty. Victoria Loanzon para makapagsampa ng kaukulang kaso. Ilang araw matapos naming itampok si Rowena sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) agad nagtext sa kanya si Catalina at humihingi ng palugit. “Sa malapit niyang kaibigan ako nakikipag-usap at nakikibalita tungkol sa bentahan. Sinabi niya sa ‘kin kung kailan magbabayaran at siya na din ang nagpapaalam kay Catalina,” salaysay ni Rowena.
Ika-14 ng Hulyo 2014 nang magkita-kita sila sa bangko sa may Parañaque. Hindi daw siya kinakausap ni Catalina at ang kaibigan lang nito ang khinaharap. Matapos ang bayaran nagbigay ng ‘manager’s cheque’ si Catalina sa kanya na nagkakahalaga ng Php600,000. Humingi din ito ng paumanhin sa kanya at talagang nagipit lang daw ito. “Kinabukasan nakuha ko na ang pera at ibinayad ko kaagad sa mga nahiraman namin. Maraming-marami pong salamat sa tulong ninyo at naayos na ang problema ko,” sabi ni Rowena. Dagdag pa ni Rowena hindi na daw siya babalik sa ganung uri ng kalakaran dahil kikita siya ng kaunti ngunit malaki naman ang magiging perwisyo nito sa kanya kapag hindi nakabayad ang umutang.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang 6% na interes ay malaki dahil kung sa bangko ka maglalagay (premium savings deposit o anumang promo meron ang bangko) ay 1.5% ang pinakamalaking interes.
Ikaw Rowena ang lumapit at nanghiram sa mga tao kaya naman kung sakaling hindi agad ito nabayaran ay maaari ka nilang kasuhan. Magandang balita rin na ibinalik na sa iyo ni Catalina ng buo ang pera dahil kung hindi maaari siyang maharap sa kasong ‘Estafa through BP22’. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest